PASTA PUTTANESCA: PERFECT NA PAMBAON

PUTTANESCA

PAMBAON sa eskuwelahan o trabaho ang isa sa pinoproblema ng marami. Kapag nagmamadali nga naman tayo sa umaga, kung minsan ay hindi na natin nagagawa pa ang magluto nang ibabaon ng ating pamilya sa opisina o eskuwelahan. Kung nag-oopisina rin tayo, mahirap din kung hindi tayo magbabaon dahil lalo tayong mapagagastos. Sa mahal nga naman ng mga bilihin ngayon, talagang mapapaiyak ang bulsa mo.

Para nga naman makatipid sa gastusin lalo pa’t pamahal nang pamahal ang mga bilihin na nagiging pahirap sa taumbayan, dobleng pagsisikip ng sinturon ang kailangang gawin ng bawat pamilya nang sa gayon ay magkasya ng kahit na papaano ang kinikita ng bawat empleyado. Pero minsan, sobra na nga ang ginagawa nating pagsisikip ng sinturon, kulang na kulang pa rin.

Pahirap nga naman sa mga Filipino ang walang katapusang pagtaas ng mga bilihin. Idagdag pa ang kawalan ng trabaho. Talagang kawawa ang mga Filipino kung magtutuloy-tuloy pa ito.

Kaya naman, isa sa paraan upang makati­pid ay ang pagdadala ng baon sa opisina man o sa eskuwelahan. Mas matipid nga naman ito kumpara kung kakain ka sa restaurant o fastfood. At sa pamamagitan din ng pagdadala ng baon sa opisina, mati­tiyak mo pang healthy at masarap ang iyong kakainin. Gayundin ang kakainin ng iyong pamilya.

Isa sa masarap baunin at simple lang gawin ang Pasta Puttanesca. Hindi naman kailangang gawing komplikado ang paggawa nito dahil may mga simpleng paraan at sangkap na puwede nating magamit nang kumasya ang ating budget at makakain pa rin tayo ng masarap.

Ang mga sangkap sa paggawa ng Pasta Puttanesca ay ang olive oil o kahit na anong klase ng mantika na regular ninyong ginagamit, bawang, kamatis, basil, olives, anchovies,  dried oregano, crushed red pepper, tomato puree, spaghetti noodles o kahit na anong pasta na mayroon kayo, asin, paminta at grated parmesan cheese.

Paraan ng pagluluto:

Bago simulan ang paggawa ng sauce, maaari munang lutuin o unahin sa pagluluto ang pasta. Sundin lang ang nakalagay sa instruction.

PUTTANESCAIhanda at hiwain ang mga kailangang hiwain. Pagkatapos ay magsalang nang kawali. Painitin ito at lagyan ng mantika. I-saute ang bawang.

Pagkatapos ay isama o ilagay na rin ang kamatis na hiniwa-hiwa, olives, oregano, crushed red pepper at tomato puree saka pakuluin.

Pagkatapos ay timplahan na ng asin at paminta. Ilagay na rin ang anchovies at basil leaves. Haluin.

Kapag naluto na, isama na ang pasta sa ginawang sauce. Bago ihanda ay budburan ito ng parmesan cheese.

Simpleng-simple lang hindi ba, masarap pa! Puwede ka rin namang gumawa ng sarili mong bersiyon. Gaya ko, sa tuwing magluluto ako ng pasta, lagi kung nilalagyan ng basil at oregano dahil pampasarap at pampabango ito. Tinatanggal ko rin ang ilang sangkap na ayaw ko o hindi nagugustuhang kainin ng mga mahal ko nang hindi masayang ang perang ilalaan ko para sa nasabing ingre­dients.

Ibang-iba na nga naman ang panahon ngayon.

Hindi nagpapaawat sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin. Kayhirap na ring mag-budget. Gayunpaman, kahit na nagsisipagtaasan ang mga bilihin, deserve pa rin naman natin ang kumain ng masarap.

Kaya ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang Pasta Puttanesca at ihanda ito sa buong pamilya. Perfect na perfect din itong pambaon sa eskuwelahan man o opisina. Mainam din itong panghanda kapag may salo-salo ang buong pamilya. (photos mula sa google)  CS SALUD

Comments are closed.