BULACAN- SUMISIGAW ng hustisya ang pamilya ng isang pastor na pinagbabaril ng dalawang armadong lalaki sa Brgy, San Agustin Malolos City.
Sa report na tinanggap ni PNP Region 3 Director Brig.Gen.Val De Leon, agad binawian nang buhay ang biktimang si Ramil Castillo,54-anyos, contractor, may-asawa at residente sa Brgy. Maginao sa bayan ng San Rafael.
Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente habang tinitingnan ng biktima ang nakontrata nitong dalawang palapag na bahay na ipinagagawa ng kanyang ka-churchmate na si Ginang Miguela Tanaka nang biglang dumating sa site ang dalawang suspek na naka-bonnet sakay ng motorsiklo.
Agad na pinadapa ang anim na trabahador ng bahay at saka mabilis na inakyat ng isang suspek ang ikalawang palapag ng gusali at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang pamamaslang sa pastor, dali-daling tumakas ang mga salarin lulan ng motorsiklo, at tinangay ang sling bag na naglalaman ng mahahalagang IDs. THONY ARCENAL
Comments are closed.