PASYENTENG MAY MILD SYMPTOMS NG COVID-19 ‘WAG NANG DALHIN SA OSPITAL–DOH

Maria Rosario Vergeire

PINAALALAHANAN  ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang mga pagamutan sa bansa na sa mga temporary treatment at monitoring facilities na lamang muna i-refer ang mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (CO­VID-19) na asymptomatic o mayroon lamang mild symptoms.

Ito’y upang maiwasan  ang congestion sa mga pagamutan lalo na ngayong panahong patuloy pa rin ang pagdami ng CO­VID-19 infections na naitatala nila sa bansa.

“Part po ng protocol na kapag mild at asymptomatic, ire-refer po sa temporary treatment and monitoring facility para ‘di po ma-congest ang a­ting hospitals,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang online media forum nitong Miyerkoles.

Kaagad namang ni­linaw ni Vergeire na hindi ito nangangahulugan na tatanggihan ng mga pagamutan ang mga CO­VID-19 patients na hindi kritikal o hindi malala ang kondisyon.

Aniya, kailangan pa rin itong tingnan ng mga doktor bago i-refer sa mga treatment facilities.

Samantala, ang mga mild at asymptomatic COVID-19 patients naman aniya na may pre-existing conditions ay maaari namang payagang ma-confine sa pagamutan dahil ikinukonsidera silang vulnerable sa naturang karamdaman.

Nauna rito, inihayag ng DOH na may 11 nang pagamutan sa Metro Manila ang nagdeklara na nasa full capacity na o may 100% occupancy na ang kanilang mga COVID-19-dedicated beds.

Sa pinakahuling datos ng DOH, na inilabas nitong Martes (Hulyo 7) ng hapon, nasa halos 48,000 na ang bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 sa Filipinas. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.