PATAFA HANDANG MAKIPAGDIYALOGO KAY OBIENA

EJ Obiena

NAKAHANDA ang Philippine Athletic Track and Field Association (Patafa) na makipagdiyalogo kay pole vaulter  EJ Obiena.

Si Obiena ay inatasan ng federation na isauli ang 85,000 euros o mahigit P4.8 million kasunod ng alegasyon na hindi niya ito ibinayad sa kanyang Ukrainian coach na si Vitaly Petrov at pinalsipika niya ang kanyang liquidation reports.

Pinabulaanan ng Olympian, na may hawak ng national at  Asian records sa pole vault, ang alegasyon, at nagpakita ng mga dokumento na nagpapatunay na naibigay na niya ang buong suweldo ni Petrov.

Ayon kay Patafa president Philip Juico, bumuo ang federation ng administrative committee na mag-iimbestiga sa isyu.

“Yesterday, (Philippine Sports Commission) chairman (Butch) Ramirez said, ‘Have a dialogue’. ‘Sure’, I say. That is what should happen to begin with,” ani Juico.

“My only problem is the appointment. And then I saw the statement. It said, if this is not followed, the support for the federation may be withdrawn… It’s like a person brought you a certain message and you do not like the message, so patay yung messenger. Sabi ko, okay whatever the PSC wants, sunod kami, we will cooperate.”

Naunang sinabi ni Juico na iniulat ni Obiena sa Patafa na ibinigay niya sa oras ang suweldo ni Petrov mula  May 2018 hanggang August 2021, subalit sa record ay lumitaw na naayos niya ang obligasyon sa kanyang coach nito lamang buwan.

“The payments were also made in tranches through banks based in Dubai, Germany, and Manila,” aniya.

Samantala, nag-alok ang Philippine Sports Commission na maging mediator para maresolba ang isyu sa pagitan ni Obiena at ng Patafa

Sa isang statement nitong Huwebes, sinabi ng PSC na magpapadala ito ng “Mediation Submission Agreement” kay Obiena at sa PATAFA para sa kanilang pagrepaso, at umaasa si  PSC chair Buch Ramirez na pipirmahan ng magkabilang partido ang kasunduan.

Layunin ng kasunduan na magtalaga ng isang mediator, magtakda ng rules, language, at lugar ng  mediation para sa dalawang partido. Nakasaad din sa kasunduan na kapag hindi naresolba ang isyu sa loob ng 30 calendar days mula sa simula ng  mediation,  ang isyu ay reresolbahin ng arbitration.

“The role of the mediator is merely to facilitate communication, identify issues and help the parties arrive at a settlement. My role as mediator is not to decide who is right or wrong. We are after a win-win solution for both sides. The goal is to preserve relationships of the disputing parties.

“I am worried about them both. EJ is carrying this burden all alone overseas, away from family and friends. I am concerned about Mr. Juico’s health. The earlier we can sit down and talk, the earlier we can resolve this,” dagdag ni Ramirez. CLYDE MARIANO