PLANO ng Department of Health (DOH) na makapagtayo ng mga ‘Patak Centers’ sa mga subdivision upang mabigyan din ng oral polio vaccine ang mga batang naninirahan sa mga naturang gated communities.
Ito’y matapos na mahirapan umano ang mga vaccinator ng DOH na pasukin ang mga naturang gated communities para magdaos doon ng door-to-door polio mass immunization.
Ayon kay Health Undersecretary Dr. Eric Domingo, na siya ring tagapagsalita ng DOH, kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa mga homeowners’ associations ng mga subdibisyon upang payagang makapasok ang kanilang mga vaccinators.
Aniya, plano na rin nilang magtayo ng “Patak Centers” sa mga subdivision upang maging mas kombinyente ang pagpapasilidad ng oral polio vaccination.
Kukuha rin aniya sila ng mga private pediatricians upang tumulong sa kanilang immunization efforts.
Sa kabuuan naman, sinabi ni Domingo na tagumpay ang paglulunsad sa Sabayang Patak kontra Polio sa Metro Manila at ilang lugar sa Mindanao.
“It was generally successful although right now I don’t have the figure for Mindanao. But there was not much resistance to the vaccination,” ani Domingo.
Samantala, sa panig ni Health Secretary Francisco Duque III, kumpiyansa ito na bago matapos ang kanilang mass immunization kontra polio sa Oktubre 27 ay mababakunahan nila ang 95% ng mga batang nagkaka-edad ng limang taong gulang pababa.
Sa pagtaya ni Duque, aabot sa mula 20 hanggang 25% na ang mga batang nabakunahan nila sa unang dalawang araw pa lamang ng mass immunization.
Hinihikayat naman ng kalihim ang mga residente na bisitahin ang mga ‘patak’ centers na malapit sa kanilang lugar. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.