PUMAYAG na ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na baguhin ang umiiral na patakaran hinggil sa aplikasyon para sa exemption ng pagbitbit o pagbiyahe ng mga armas gayundin ang pagkuha ng security personnel o bodyguard sa gitna ng panahon ng eleksiyon.
Ayon kay Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, kasunod ng en banc meeting ay napagkasundang magpatupad ng decentralization ng pagbibigay ng exemption sa gun ban o ang pagpapaubaya na sa mga regional director at election officer ang pag-apruba ng mga aplikasyon.
Sa kasalukuyang sistema, sa central office ng Comelec sa Intramuros, Maynila nagsusumite ng aplikasyon sa gun ban exemption.
Maliban dito, pumayag din ang Comelec na gawing awtomatiko ang pagbibigay ng exemption sa mga mahistrado, hukom, prosecutors, at Ombudsman.
Binigyan ng isang linggo ang Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC) ng Comelec upang plantsahin at isapinal ang inilatag na pagbabago.
“The Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC) was given one week from today (1) to finetune and finalize the proposed amendments; (2) to ensure that the regional directors and election officers possess the required capacity to undertake the task; and (3) to consult with Comelec partners and study the safeguards needed for such amendments,” ayon kay Pangarungan.
Ipinatitiyak din na sapat ang mga tauhan ng Comelec sa regional o local offices nito upang gawin ang trabaho at magkaroon sila ng sapat na kasanayan. JEFF GALLOS