UPANG pagtibayin ang pangako ng pamahalaan na tiyakin na iginagalang ang mga pangunahing prinsipyo at karapatan sa paggawa ng sektor ng manggagawa, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 5 ang Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association (FOA) noong Agosto 27, 2024 sa Concourse Convention Center sa Legazpi City.
Layunin ng paglulunsad, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa regional labor and employment sector at government partners, na palawakin ang kaalaman at itaas ang antas ng kamalayan sa karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa, makibahagi sa collective bargaining, at lumahok sa mga legal na aktibidad ng unyon.
Hindi bababa sa 94 na kinatawan mula sa iba’t ibang grupo ng manggagawa, employer, unyon at partner agency ng pamahalaan ang nagsama-sama para magkaroon ng pamilyaridad sa mga alituntunin sa FOA.
Kabilang sa mga lumahok na ahensiya ng pamahalaan sa Bicol Region ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines, PNP SOSIA, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC), Philippine Air Force (PAF), Civil Service Commission (CSC), National Conciliation and Mediation Board (NCMB), Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) , at ang Department of Trade and Industry (DTI).
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni DOLE Region 5 Officer-in-Charge Imelda E. Romanillos ang kahalagahan ng Omnibus Guidelines sa paglilinaw ng mga tungkulin ng mga kinauukulan at pagtataguyod ng parehong pang-unawa sa mga prinsipyo nito na nakabalangkas sa ILO Conventions 87, 98, at 151.
“Napakahalaga ang pagtataguyod sa papel ng FOA sa pagtitiyak na iginagalang at napoprotektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa sa pagpapatupad ng buong programa,” pahayag ni OIC Romanillos.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ay ang mga layunin at pangkalahatang ideya ng kaganapan, mga prinsipyo ng karapatang pantao at ang kanilang kaugnayan sa FOA, at ang pagtatanghal ng Omnibus Guidelines on the Exercise of FOA.