MAITUTURING na isang malaking tagumpay ang pagdiskubre at paggawa ng bakuna kontra COVID-19, hindi lang para sa mga nasa industriya ng medikal at kalusugan, kundi para sa buong mundo. Ito ay dahil sa matinding pangangailangan para sa bakuna upang makontrol ang pagkalat ng nasabing virus. Ang ekonomiya ng bawat bansa, maging ang mga mamamayan nito, ay hindi makapamumuhay nang maayos sa ilalim ng matagalang lockdown. Maraming negosyo ang magsasara at maraming tao ang mawawalan ng hanapbuhay.
Kamakailan ay naitala ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw sa bansa. Ang kasalukuyang datos ay ang natukoy na pinakamataas na bilang ng aktibong kaso ng COVID-19. Naitala rin ang pinakamataas na bilang ng nadagdag na bagong kaso sa isang araw mula nang magsimula ang pandemyang COVID-19 sa bansa. Sa kauna-unahang pagkakataon ay umabot sa higit walong libo ang naitalang dagdag na kaso sa isang buong araw. Marami ang nagsasabi na tila mas malala pa ang ating kasalukuyang sitwasyon kung ikukumpara noong nag-uumpisa pa lamang ang pandemyang COVID-19. Subalit ako ay naniniwala na ang pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19 ay sapat na upang magsilbing pag-asa na pasasaan ba’t bubuti rin ang sitwasyon ng ating bansa.
Ang paggawa ng bakuna kontra COVID-19 ay isa lamang sa mga solusyon na kinakailangan upang mapagtagumpayan ang pandemyang ito. Lubhang mahalaga rin na masiguro ang maayos at patas na pamamahagi nito. Paano kung walang kakayahan ang isang mamamayan na makakuha ng sarili nitong bakuna? Paano kung ang maliliit na mga bansa ay walang sapat na kakayahan na makakuha ng bakuna para sa mga mamamayan nito? Ito ay ilang mga katanungan na mainam pagnilay-nilayan.
Nitong linggo, umapela ang World Health Organization (WHO) sa mga mayayamang bansa upang ito ay mamahagi ng supply ng bakuna sa mga bansang walang sapat na badyet para rito at sa mga bansang nahihirapan makakuha ng bakuna para sa mga mamamayan nito.
“We have the means to achieve vaccine equity, but the gap between the number of vaccines administered in rich countries versus COVAX is growing every day. We appeal to countries to share COVID-19 vaccines out of self-interest, if nothing else!” ang pahayag ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus.
Maging dito sa ating bansa, ito rin ang hamon na ating kinakailangang malampasan upang masiguro na ang lahat ng kwalipikadong mabakunahan ay mabibigyan nito.
Higit kailanman, ngayon lubhang mahalaga ang pantay-pantay na pamamahagi ng bakuna sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 sa bansa. Kung ito ay magagawa nang maayos at tama, siguradong malaki ang maitutulong nito sa mas mabilis na pagbangon ng ating ekonomiya mula sa pandemyang COVID-19.
Bukod sa COVID-19, marami na ring iba pang pandemya ang bumalot sa buong mundo. Sa kasamaang palad, maraming pag-aaral at pagsusuri mula sa mga nakaraang pandemya na nagpapakita ng matinding pagkakaiba sa pagitan ng mga bansa kung kapasidad sa pagtugon sa mga ito ang pag-uusapan.
Sa katunayan, kung babalikan ang mga nakaraang pangyayari, makikita na mas matagal ang paghihintay ng mga bansang may mababang pinansiyal na kapasidad kumpara sa mga mayayamang bansa pagdating sa pagkuha ng mga bakuna at iba pang kailangang pang-kalusugan.
Ayon sa aking obserbasyon, madalas ding dahilan ng kakulangan ng sapat na supply sa pagtugon ay ang pagbili ng sobrang supply ng mga mayayamang bansa. Ganito ang nangyari noong pandemyang H1N1 noong 2009. Sa dami ng biniling bakuna ng mga mayayamang bansa, sa kanila na halos napunta ang lahat ng mga maaaring makuhang bakunang pwede nang ipamahagi.
Ang pangunahing itinutulak ng WHO sa kasalukuyan ay ang masigurong hindi maiiwan ang mga bansang may mababang pinansiyal na kapasidad. Kailangang masiguro na maging ang mga bansang ito ay makakakuha ng kinakailangang bakuna upang malabanan ang COVID-19.
Noong nakaraang taon, hinimok ng WHO ang mga pamahalaan, mga internasyonal na organisasyon, mga pilantropo, at iba pa, na magkaisa at magtulungan upang masiguro ang malawakang pagsasaliksik at paggawa ng mga bakuna kontra COVID-19, malawakang pag-uusap ukol sa presyo ng mga ito, at ang patas na pamamahagi nito sa mga bansa.
Ito ang dahilan kung bakit ginawa ng WHO ang COVID-19 COVAX Facility. Layunin nitong mapabilis ang paggawa at pamamahagi ng mga bakuna sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa maagang pagpasok ng mga mamumuhunan para sa malawakang pagsasaliksik, pagpapaigting ng kapasidad sa paggawa ng bakuna, at ang pagpapabilis ng paggawa nito. Kasabay ng nabanggit na mga proseso ay ang pag-aasikaso ng pagkuha ng lisensiya para sa mga ito upang masiguro na sa oras na makapasa ang antas ng bisa nito ay maaari na itong ipamahagi agad.
Iminungkahi ng WHO na ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga indibidwal at sa sistemang pangkalusugan ng bawat bansa, at ang pagkontrol ng epekto ng pandemya sa ekonomiya ng mga ito ang dapat na pangunahing layunin at prayoridad sa pamamahagi ng bakuna sa iba’t ibang bansa.
Ako ay lubos na umaasa na ngayong taong 2021 ay makikita natin ang matinding pagbuti ng sitwasyon ng buong mundo kontra COVID-19. Upang mangyari ito, kailangang masiguro na ang mga matagumpay na diyagnostiko, bakuna, at paggamot ay isang kaalaman at kakayahan na maipapamahagi sa bawat bansa. Maituturing na susi sa pagkamit nito ang pagpapatupad ng tinatawag na Fair Allocation Framework.
Mahalaga ring alalahanin na bahagi ng apela ukol sa pantay at patas na pamamahagi ng mga bakuna sa bawat bansa ay ang pagsiguro na maging ang pamamahagi ng mga ito sa loob ng bawat bansa ay pantay at patas din.
Ayon sa WHO, habang hindi pa sapat ang bilang ng mga bakunang maaaring ipamahagi sa buong mundo, kinakailangang magkaroon ng prayoritisasyon sa pamamahagi nito. Kailangang may maunang mabigyan ng bakuna habang hinihintay ang mga dosis na kinalaunan ay ipamamahagi sa populasyon ng bansa.
Ayon sa Strategic Advisory Group of Experts on Immunization ng WHO, ang prayoridad na mabigyan ng bakuna ay ang mga healthcare frontliner, mga indibidwal na may edad 65 pataas, mga indibidwal na may edad 64 pababa na may iniindang kondisyong pangkalusugan at itinuturing na high risk.
Nakagagaan naman sa kaloobang malaman na tila ang prayoritisasyong ito ay nasusunod sa ating bansa. Ang mga healthcare worker sa bansa ang unang nabigyan ng bakuna kontra COVID-19. Ito ay mahalaga upang masiguro na tagumpay at tama ang pamamahagi ng unang dosis ng mga bakuna na pumasok sa ating bansa. Nawa’y malapit na rin ang pagdating ng bakuna para sa lahat upang masiguro na lahat tayo ay protektado sa laban sa COVID-19.
813959 56707I gotta favorite this internet web site it seems handy . 2562