PATAY KANG BATA KA!

Magkape Muna Tayo Ulit

PALAGI nating naririnig ang salitang ito kapag may nabuko na kasalanan. “Patay kang bata ka!”. Ang ibig sabihin nito ay talagang may kalalagyan ka o kaya’y matindi ang parusang ipapataw sayo. Ika nga..hindi ka sasantohin.

Akalain mo, kailan lang ay nalagay sa balita na itong si PNP Supt. Lito Patay ay ang bagong pinuno ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Central Visayas.  Dati siyang hepe ng Batasan Police Station sa Quezon City noong 2016. Kilalang sharpshooter itong si Supt. Patay. Matapang, seryoso at may dedikasyon sa kanyang trabaho. Alam naman natin na ang lugar ng Batasan, bagama’t malapit sa House of Representatives, ay kanlungan din ng mga adik at medyo kahina-hinalang mga karakter. Alam na ninyo ang ibig kong sabihin nito. Kaya sigurado akong may hustong karanasan si Supt. Patay sa pagsupil ng mga masasamang elemento.

Kamakailan, naglabas na resolusyon ang DOJ na inirerekomenda na kasuhan si Peter Lim sa paglabag ng Republic Act No. 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kaya naghihintay na lang ang awtoridad sa pagbaba ng arrest warrant laban sa nasabing negosyante. Kaya ito ang isa sa pinakaunang trabaho ni Supt. Patay bilang hepe ng CIDG ng Central Visayas…ang dakpin si Peter Lim.

Bilang bagong hepe ng CIDG sa Central Visayas, naghayag siya ng kahandaan sa pag-aresto kay Peter Lim, isang kilalang negosyante sa Cebu ngunit nauugnay nga sa ilegal na droga. Matatandaan na hinarap ito dati ni Pangulong Duterte at itinanggi ni Lim na hindi siya sangkot sa ilegal na droga. Subalit tila, hindi naniniwala ang awtoridad sa kanyang sinasabi.

Sigurado ako na mas magiging matunog na ang pangalan ni Supt. Lito Patay sa mga sususnod na buwan ngayon na hepe na siya ng CIDG sa buong Central Visayas. Noong 2015, siya ang naging hepe ng Tagum City Police bago siya itinalaga sa Batasan Police Station. Noong panahon niya bilang hepe ng pulis sa Tagum City, nakilala siya bilang lider ng “Davao Boys”. Ito ay isang pulutong ng mga matatapang na pulis na seryosong sugpuin ang mga kriminal sa Tagum City.

Nang inilipat si Supt. Patay sa Batasan Police Station, ang nasabing “Davao Boys” ay isinama rin ni Supt. Patay. Ito ay mga panahon noong kasagsagan ng Oplan Tokhang.  Si Supt. Patay ang nag-operate sa lugar ng Batasan laban sa ilegal na droga.

Kung isasama ang “Davao Boys” sa CIDG Central Visayas ay hindi pa natin alam. Pero malamang ay susunod din ang mga ito. Alam naman natin kung gaano kalala ang ilegal na droga sa Central Visayas. Kaya abangan na lang natin kung ang  “Davao Boys’ ay makakasama sa pagtugis kay Peter Lim.

Abangan ang susunod na kabanata. Kaya sa mga iba ang mga pasaway sa Central Visayas… uma­yos-ayos na kayo. Patay kang bata ka!

Comments are closed.