PATAY KAY BAGYONG EGAY POSIBLENG UMABOT SA 40

POSIBLENG umakyat sa mahigit 40 ang bilang ng nasawi bunsod ng naganap na pananalasa ng Bagyong Egay na sinabayan pa ng Habagat nitong nakalipas na Linggo.

Subalit, sa tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ay nasa 13 pa lamang bilang ng mga nasawi ang kanilang naitatala habang nasa P62 milyon naman ang inisyal damage sa agrikultura.
Sa inilabas na situation report ng NDRRMC, anim pa lamang dito ang kumpirmado habang kasalukuyang pang bina-validate kung dahil sa bagyo namatay ang pitong iba pa.

Hindi pa isinama sa listahan ang may 26 na nasawi sanhi ng paglubog ng isang passenger boat habang may ulat din na may apat na tauhan ng Philippine Coast Guard na nasa rescue mission ang nawawala ng tumaob ang kanilang alluminum vessel.

Ayon kay Diego Agustin Mariano ng NDRRMC, “Incident is still for validation whether it is related to TC Egay as there are no Tropical Cyclone Wind Signal raised in the area when the incident occurred.”

Lima sa kumpirmadong patay dahil sa bagyo ay nagmula sa Cordillera Administrative Region habang isa naman mula sa Western Visayas.

Sinasabing nasa 502,000 katao ang naapektuhan ng ilang araw na pag ulan bunsod ng Bagyong Egay at Habagat kung saan mahigit 42,000 ang kinailangan lumikas. VERLIN RUIZ