MASUSING sinisiyasat ng provincial agriculture office ang nadiskubreng patay na baboy na hinihinalang ipinaanod sa ilog ng Barangay Sto. Rosario West sa bayan ng Aringay, La Union.
Ayon kay Aringay Municipal Agriculturist Benjamin Magno, isang magsasaka ang nagpaabot sa kanila ng impormasyon hinggil sa naturang patay na baboy na lumulutang sa nasabing ilog
Napag-alamang hindi na nila ipinasailalim sa laboratory test ang patay na hayop dahil naaagnas na ito at mas minabuti na lang na ibaon sa lupa.
Ayon kay Magno, aalamin ng kanilang tanggapan kung sino ang nagtapon ng patay na hayop sa ilog.
Kasabay nito, pinawi rin ang pangamba ng mga residente dahil wala pa namang patunay kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng baboy sa kabila ng kumakalat na usapin sa African swine fever.
Gayunpaman, nanawagan din si Magno sa mga residente ng lugar na agad ipagbigay alam sa kanilang tanggapan kung may madidiskubreng patay na hayop sa ilog upang maimbestigahan. BENEDICT ABAYGAR
Comments are closed.