NAGPALIWANAG ang Commission on Elections (Comelec) kung bakit mayroon pang namatay na, pero kasama pa rin sa listahan ng mga botante.
Sinabi ni Comelec Commissioner Atty. Erwin George Garcia na may proseso kasing sinusunod alinsunod sa batas para sa tamang pagtatanggal sa listahan ng mga taong namatay na.
Base sa proseso, kinakailangan munang magsumite sa Comelec ang civil registrar ng lugar kung saan residente ang isang botante, ng certification na nagsasabing namatay na ito.
Ginagawa ito quarterly ng civil registry.
Dito pa lamang aniya tatanggalin ng Comelec sa listahan ng voters list ang pangalan ng namatay na indibidwal.
Ayon kay Garcia, hangga’t wala silang natatanggap na certification, hindi nila maaaring tanggalin sa listahan ang pangalan ng namayapang botante.
Kaugnay nito, umapela si Garcia sa susunod na Kongreso na sana ay maayos ang loophole o butas na ito ng batas.
Ginarantiyahan pa ng opisyal na walang makabobotong indibidwal na patay na dahil may mga pamamaraan silang inilatag para ito maiwasan.
Isa na rito ay ang election day computerized voters list o EDCVL kung saan makikita ang larawan dito ng botante at ang kaniyang biometrics at pirma.
Panawagan lamang ni Garcia sa mga bubuo ng electoral board maging ng mga watcher ng mga kandidato na maging alerto sa pagbabantay upang mapigilan ang anumang tangkang pagbuhay sa patay para makaboto. Jeff Gallos