KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa walo ang bilang ng mga pasyente na binawian ng buhay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang kalatas nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng DOH na ang ikaanim na pasyente ay isang 54 taong gulang na lalaki na mula sa Lanao del Sur, at itinuturing na ika-40 kaso (PH40) ng sakit sa bansa.
Siya rin ang kauna-unahang COVID-19 death sa labas ng Metro Manila.
“The DOH today confirms one (1) new death among the confirmed cases of COVID-19. This brings the total number of COVID-19 mortalities in the country to six (6),” ayon sa DOH.
Nabatid na ang pasyente ay walang travel history sa mga lugar na may mga kumpirmadong kaso ng sakit ngunit may mga ulat na nagtatrabaho siya sa isang tanggapan sa Pasig City na may opisina rin sa San Juan City, na parehong nakapagtala na ng kumpirmadong COVID-19 cases.
Una siyang nakitaan ng mga sintomas ng sakit noong Pebrero 24, at na-admit sa Northern Mindanao Medical Center noong Marso 3.
Marso 11 nang makumpirmang positibo siya sa COVID-19 at binawian ng buhay dakong 9:00 ng gabi ng Marso 13 lamang mula sa “Acute Respiratory Distress Syndrome due to Severe Pneumonia with concomitant Acute Kidney Injury.”
Bumaba umano ang blood pressure ng pasyente ng hanggang zero ng Biyernes ng umaga ngunit na-revive ng mga medical personnel, ngunit nalagutan pa rin ng hininga pagsapit ng gabi.
Samantala, nitong Sabado ng hapon naman ay kinumpirma ng DOH na naitala na rin nila ang ikapito at ikawalong COVID-19 deaths.
Kabilang umano dito ang iniulat ng Our Lady of Mt. Carmel Medical Center sa San Fernando, Pampanga.
Nangangalap pa naman ang DOH ng karagdagang impormasyon hinggil sa naturang dalawang pasyente.
Una nang binawian ng buhay ang isang Chinese national at apat na Pinoy dahil sa naturang sakit.
Kaugnay nito, iniulat rin ng DOH na umaabot na sa 64 ang kabuuang bilang ng mga confirmed COVID-19 cases sa bansa, matapos na makapagtala pa ng 12 bagong kaso ng sakit nitong Biyernes.
Ayon sa DOH, ang mga bagong pasyente ay kinabibilangan ng walong lalaki at apat na babae, apat ang Filipino habang kinukumpirma pa ang nasyonalidad ng iba pa.
Ang pinakabata sa kanila ay isang 27-anyos na lalaki habang pinakamatanda ay 70-anyos na babae naman.
Kasalukuyan silang naka-confine sa The Medical City; Ortigas Hospital and Health Care Center; Cardinal Santos Medical Center; St. Luke’s medical Center – Global City; University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center; Ortigas Hospital and Health Care Center; Marikina Valley Medical Center; at Bataan St. Joseph Hospital and Medical Center.
Isa sa mga pasyente ay mula sa Mandaluyong; isa mula sa Pasig; dalawa ang mula sa Makati; isa mula sa Maynila at isa mula sa Rizal, habang ang tirahan ng iba pang pasyente ay bina-validate pa ng DOH.
Sa 62 bagong confirmed cases ng sakit, dalawa pa lamang ang naitala ng DOH na nakarekober sa sakit, at ito ay ang dalawang Chinese women na mula sa Wuhan City, na kapwa nakauwi na sa China noong Pebrero.
Tiniyak naman ng DOH na patuloy ang isinasagawa nilang contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng mga pasyente upang masuri ang mga ito.
Mahigpit rin ang paalala ng DOH sa mga mamamayan na patuloy na mag-ingat laban sa virus, sa pamamagitan nang pagiging malinis sa kanilang mga katawan at kapaligiran, pagpapalakas ng immune system at pag-practice ng social distancing.
“We continually ask the public to cooperate and help us int he investigation and contact tracing activities,” Health Secretary Francisco Duque said. Anyone with information may call the DOH hotline at (02) 8-651-7800 loc. 1149 to 1150,” panawagan ni Health Secretary Francisco Duque III.
“For those who are confirmed cases, please let our hospitals take care of you,” aniya pa. “Let us take it upon ourselves to protect our family and our community’s health and well-being.”
Paalala ni Duque, ang mga taong nanganganib o most at risk sa sakit ay yaong mga taong may underlying medical conditions gaya ng cardiovascular disease, diabetes, cancer, chronic lung disease at immunosuppression, kabilang na ang mga matatanda.
Tinukoy rin nito na ang average age ng mga confirmed COVID-19 cases ay nasa 66 years old.
Nanawagan na rin naman si Duque sa mga Pinoy na wag mag-panic buying lalo na ng mga hygiene at sanitation products dahil hindi naman ito nakatutulong sa laban sa COVID-19.
“Realize that when you hoard you are being part of the problem by denying the rest of your fellowmen the means to protect themselves,” aniya pa.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga sintomas ng COVID-19 na dapat bantayan ay lagnat, pagkapagal ng katawan at tuyong ubo. Maaari ring makaramdam ng pananakit ng katawan, nasal congestion, runny nose, sore throat at pagtatae o diarrhea sa ilang kaso. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.