NASA 74 na ang death toll sa kontrobersiyal na Dengvaxia, batay sa rekord ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, ang huling biktimang nasawi ay taga-Malolos, Bulacan.
Sa pagsusuri ng PA forensic team, positibo ang bata sa mga pattern ng kamatayan ng mga umano’y mga biktima ng nasabing bakuna.
Dagdag pa ni Acosta, posibleng umakyat na sa 75 ang biktima ngayong linggo pa lamang kung mapatutunayang may kaparehas ding sintomas ang namatay na bata sa Muntinlupa.
Batay sa pagsusuri ng PAO forensic team, ang ika-74 na biktima ay nagkaroon ng kaparehong komplikasyong ikinasawi ng 73 pasyente na nauna.
Lahat umano sila ay naturukan ng Dengvaxia vaccine, at nagkaroon ng pagdurugo ng utak, pamamaga ng internal organs, at pagkamatay.
Sinabi pa ni Acosta na ito ang mga epektong binanggit ng kompanya ng gamot na Sanofi, manufacturer ng Dengvaxia, na babalang ipinarating nila sa Department of Health (DOH) bago ibinenta ang nasabing gamot sa merkado.
Noong Miyerkoles, sinampahan ulit ng PAO sa Department of Justice ng isa pang kasong kriminal si dating Health Secretary Janette Garin at 36 na iba pa dahil sa pagkamatay ng 11-anyos na batang lalaking naturukan din ng Dengvaxia vaccine.
Ilang kaso na ang naisampa laban kay Garin, ngunit may naghihintay pa umanong pito pang kaso na inaayos ngayon ng PAO para naman sa mga pamilya ng pitong batang taga-Cebu City. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.