ISABELA – NAGPAABOT na ng pakikiramay ang liderato ng Philippine Army sa pamilya ng mga nasawi sa malagim na pamamaril na kinasasangkutan ng isang sundalo sa loob mismo ng Army 5th Infantry Division, Camp Melchor Dela Cruz, Upi Gamu.
Pinagbabaril hanggang mapatay ng isang sundalong may ranggong sarhento ang kanyang sariling asawa, biyenan, at kanilang driver sa hindi pa malamang motibo nitong October 10, alas-2 ng hapon sa loob ng sasakyan na nakaparada sa kampo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Erlinda Ajel, misis ng suspek, biyenan nitong si Lolita Ramos, at driver nilang si Rolando Amaba, pawang mga residente ng Benito Soliven, Isabela.
Kasalukuyan naman nakakulong sa Gamu Police Station si Sgt. Mark Angelo Ajel, naka-assign sa 503rd Infantry Brigade, Calanan, Tabuk City, Kalinga.
Agad nirespondehan ng awtoridad ang sasakyan at habang papalapit ay nakita ang suspek na may hawak na baril kaya agad inaresto at pinosasan.
Narekober sa crime site ang 9mm issued firearm ng suspek na ginamit sa pamamaril.
VERLIN RUIZ