ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa resolution number 11 ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, inilabas na ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ang memorandum para sa mga punò ng kagawaran, ahensiya, tanggapan at instrumentalidad ng pamahalaan, government-owned or controlled corporations, government financial institutions, at state universities and colleges, at pati na ang mga lokal na yunit ng pamahalaan.
Ang mga estriktong hakbang sa social distancing sa Metro Manila ay ang sumusunod:
- Ipinagbabawal ang mga malawakang pagtitipon gaya ng panonood sa sinehan, konsiyerto, gawaing pampalakasan at iba pang gawaing panlibangan, pagpupulongng mga komunidad, at ‘di mahalagang pagtitipong pantrabaho. Maaaring ipagpatuloy ang mga mahalagang pulong pantrabaho at gawaing panrelihiyon hangga’t napananatili sa kabuuan ng gawain ang estriktong social distancing, na inilalarawan bílang estriktong pagpapanatili ng hindi bababâ sa isang (1) metrong radius sa pagitan ng mga kalahok.
- Ang mga Lokal na Yunit ng Pamahalaan (LGUs) ay susunod sa atas ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan (DILG) sa pagpapatupad ng pangkalahatang community quarantine sa kanilang mga saklaw na lugar.
- Nililimitahan ang paggalaw ng mga tao sa mga batayang pangangailangan at trabaho; at mayroong mga uniformed personnel at quarantine officer sa mga border point.
- Alternatibong paraan ng pagtatrabaho, ngunit hindi limitado sa, work from home, compressed work week, staggered working hours, at pagbuo ng skeletal workforces, na ipatutupad sa Sangay ng Ehekutibo. Lahat ng miyembro ng PNP, AFP, PCG at health at emergency frontline services ay inaatasan na ipagpatuloy ang full operation. Ang mga sangay Lehislatibo at Hudikatura at independent constitutional bodies ay hinihimok na magpatupad ng katulad na patakaran.
- Hinggil sa restriksiyon sa paglalakbay sa lupa, domestikong himpapawid, at dagat patungo o mula NCR, probisyonal itong pinahihintulutan para sa lahat ng manggagawa, employed man o self-employed.
- Lahat ng papaalis na pasahero ay papayagang dumaan sa NCR. Para rito, kailangang magpakita sa mga checkpoint ng patunay ng kumpirmadong international travel itinerary, na nakatakdang umalis sa loob ng 12 oras mula sa pagpasok.
- Hindi ititigil ang pagbiyahe sa mga kargo, saanman nanggaling o tutungo.
- Ang suspensiyon ng lahat ng klase at gawain sa mga paaralan sa lahat ng antas sa NCR ay mananatili hanggang 14 April 2020. VERLIN RUIZ
Comments are closed.