UPANG magamit ang mga oportunidad kahit na mayroong krisis, nagsagawa ng pagsasanay ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Japan sa mga migranteng Pilipinong manggagawa kaugnay sa food specialty, real estate, at online learning na itinuturing na ‘bestseller’ o patok na negosyo ngayong ‘new normal.’
Sa temang ‘Negosyong Patok Ngayong COVID-19: The Champion Mindset,’ isinagawa ng POLO – Japan ang pagsasanay sa pakikipagtulungan ng Philippine Trade and Investment Centers (PTIC) sa Tokyo at Osaka at ni Entrep-Academy Coach Jonathan Q. Petalver.
Hinikayat ni Petalver ang mga nagsasanay na mula sa pagiging “Overseas Filipinos (OFs) ay maging mga Overseas Filipino Entrepreneurs (OFEs).”
Ginawa ang aktibidad sa pamamagitan ng Zoom at naka-live-stream sa POLO-OWWA Tokyo Official Facebook Fan page na umabot ng 2,300 views at 5,400 social media users.
Sinabi naman ni POLO Welfare Officer Amy B. Crisostomo na ang online training ang siyang magiging simula ng mas marami pang training at intervention para sa mga overseas Filipino sa Japan.
Tiniyak nito na patuloy na tutulong ang ahensiya sa mga OFW na miyembro ng OWWA upang makamit nila ang kanilang pangarap na magtayo ng negosyo.
Ang online training ay bahagi ng Reintegration-Preparedness Program ng POLO-OWWA Tokyo na layong bigyang suporta, kasanayan at kapasidad ng OFWs at ng mga papauwing OFW sa kanilang mga komunidad. PAUL ROLDAN
Comments are closed.