PATONG-patong na kaso ang kakaharapin ng isang doktor na namaril sa loob mismo ng campus ng Ateneo de Manila University sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City nitong Linggo ng hapon na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ang dating vice mayor ng Lamitan, Basilan.
Ayon kay Maj. Wennie Ann Cale, tagapagsalita ng Quezon City Police District (QCPD), inihahanda na nila ang kasong three counts ng murder at frustrated murder laban sa gunman na si Doktor Chao-Tiao Yumol.
Bukod dito sasampahan din nila ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law, RA 10591, o mas kilalang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, direct assault, malicious mischief at reckless imprudence resulting in damage to property ang nasabing doktor.
Ito ay matapos na mapatay ang mga biktimang sina dating Lamitan, Basilan Mayor Rose Furigay, kanyang Executive Assistant na si Victor Capistrano at isang guwardiya sa Gate 3 ng Ateneo na si Bandiola Jeneven, 35.
Sugatan naman ang anak ng dating vice mayor na si Hanna Rose Marine at ang nurse na si Julia Manabat, 54-anyos nang tamaan ng stray bullet sa balikat na nasa ospital at patuloy pang inoobserbahan.
Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay QCPD Director BGen. Remus Medina, paghihiganti umano ang nagtulak kay Yumol para barilin si Furigay dahil noong Mayor ito ay kinasuhan nito ng kasong cyberlibel at ipinasara pa ang infirmary clinic ng doktor dahil wala umanong permiso para mag-operate.
Sinabi naman ni Atty. Quirino Esguerra Jr., abogado ng mga Furigay, kinasuhan nila si Yumol ng higit sa 60 libel cases nang magpakalat ito sa Facebook ng mga malilisyosong post laban kay Furigay noong ito pa ang alkalde ng Lamitan.
Inakusahan naman ni Yumol si Furigay na isang drug lord sa Basilan, at ang sitwasyon sa nasasakupan nito ay hindi maganda at umanoy napakagulo. EVELYN GARCIA