SAMAR – ISANG pulis ang nasawi nang pagbabarilin ng may 50 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kanyang sinasakyang patrol car sa Maharlika Highway, Barangay 1A, Motiong Samar kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing pulis na si PO3 Glenn Meniano, 33-anyos, naka-assign sa Motiong Municipal Police Station at residente ng Brgy. Alejandria, Jiabong, Samar.
Habang sugatan ang kasama nito na si PO1 Jane Abejar na nagtamo ng tama ng shrapnel sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan na nakatakas matapos ang pananambang.
Nadamay rin ang isang sibilyan na tinamaan ng bala ng baril sa kanyang kanang hita na kinilalang si Silvestre Igdalino.
Ayon kay PNP Region 8 Regional Director, Chief Supt. Dionardo Carlos, dakong alas-7:15 ng umaga sakay ng Mahindra Patrol Car ang dalawang Police Officer pabalik na sa kanilang police station matapos kumuha ng kanilang tubig na gagamitin sa police station nang pagsapit sa may bahagi ng Maharlika Highway, Brgy. 1A Motiong, Samar ay dalawang pagsabog ang naganap at sinundan ng putok ng baril.
Dahil dito, bumangga ang sasakyan sa gutter ng kalsada at tumilapon si PO3 Meniano.
Nakasakay naman agad ng motorsiklo ang babaeng pulis na si PO1 Abejar at nakahingi ng tulong sa malapit na police station.
Dahil sa pagsabog at pagkakabangga, lumiyab ang buong Mahindra Patrol.
Samantala, kinondena ng buong PNP Region 8 ang ginawang pananambang ng NPA sa kanilang kasamahang pulis.
“The entire PNP in Eastern Visayas strongly condemn the ambushcade and the killing of PO3 Glenn Meniano in Motiong, Samar that was perpetuated by suspected communists- terrorists,” ayon sa mensahe ni Carlos.
Sa ngayon tuloy ang pursuit operation laban sa mga NPA na nanambang habang kinondena naman ng buong PNP Eastern Visayas ang pananambang sa kanilang kasamahan. REA SARMIENTO
Comments are closed.