ISA SA mga problem ng mga magulang ay ang pakainin ang mga anak ng masustansiyang pagkain. Likas na yata sa mga bata ang pag-ayaw sa lasa ng mga pagkaing makabubuti sa kalusugan nila. Kaya malaking hamon sa mga magulang na magpakain ng mga anak lalo pa kapag pihikan.
Iba’t ibang pakulo na ang ginagawa ni nanay para lang kumain si chikiting. At kung talaga nga namang ayaw ay mapupunta sa takutan gaya ng, “ku-kunin ka ng multo sige ka ‘pag hindi ka kumain,’’ at marami pang iba.
Kaiba sa panlasa ng mga matatanda ang panlasa ng mga bata kaya mahalagang habang bata pa ay nagiging pamilyar na sila sa mga pagkaing ma-susustansiya. Kahit minsan ay sapilitan, isang malaking achievement para sa mga magulang na mapakain ng masustansiya ang mga anak.
Kadalasang iniisip ng mga bata, ang mga masusustansiyang pagkain ay hindi masarap. Kalaban nito ang samu’t saring pagkain sa fast food chains na talaga namang nang-aakit sa kanila.
Burger patties ang isa sa mga sikat na pagkain sa mga bata. Alam ng mga magulang na hindi ito kabilang sa mga masusustansiyang pagkain dahil sa preservatives na sangkap nito. Ang burger patties din ang isa sa processed food na paborito ng mga bata.
Bilang tugon sa hamon ay kailangang maging malikhain ang mga magulang para mapakain lang ng tama ang mga anak.
Kaya naman nagkaroon ng patties na gawa sa kanin at isda na siguradong magiging swak sa panlasa ng bagets.
FISH PATTIES RECIPE
Narito ang mga kakailanganing sangkap para sa gagawing patties:
Kanin
Spring onion
Lutong isda
Keso
Paminta
Asin
Harina
Bawang
Itlog
Paraan ng pagluluto:
Una, tanggalin ang tinik ng isda. Pira-pirasuhin ito. Mabuting siguruhing walang natitirang tinik sa mga pira-pirasong isda.
Pangalawa, ihalo sa bagong saing na kanin ang pinira-pirasong isda. Mas mainam kung may katamtamang lambot ang kanin.
Sunod na ihalo ang spring onions, keso, at bawang na pare-parehong maliliit ang hiwa. Saka sunod na ilagay ang itlog at harina. Maaaring lagyan ng paminta at asin depende sa iyong gustong dami.
Haluin itong maigi hanggang sa maging firm ang texture. Bilugin na kagaya ng sa burger patties.
At panghuli, iprito ito sa mainit na mantika. Maaari itong i-deep fry o ‘yung natural lang na pagpiprito.
At ayan na, mayroon ng fish patties na ihahain sa inyong mga anak.
Puwede itong ihain kasama ang ginisang gulay. Tiyak na masustansiya dahil ang isda ay mabuti sa puso dahil sa Omega-3.
Mayroon nang panlaban sa burger patties ng fast food chains.
Mas mura na, masustansiya at safe pa dahil sa inyong mga tahanan mismo ginawa.
Maraming lutong puwedeng gawin sa masusustansiyang pagkain, basta’t hindi magsasawang mag-imbento ng mga bagong putahe na ma-e-enjoy ng mga bata at para masigurong healthy ang family! LYKA NAVARROSA
Comments are closed.