PATUBIG PALALAKASIN NG NIA-DENR MOA

MAPALAKAS  ang pagpapatubig sa bansa lalo na sa mga pananim ang layunin ng nilagdaaang memorandum of agreement ng National Irrigation Administration (NIA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Oktubre 4.

Ayon kay DENR-Water Resource Management Office Undersecretary Dr. Carlos Primo David, ang naturang kasunduan ay naglalayong patatagin ang mga pagsisikap ng pamahalaan sa pagtiyak ng seguridad sa tubig sa bansa sa pamamagitan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na may mga tungkuling may kinalaman sa tubig.

“[This] is a convergence between several government agencies with water-related functions … we are able to plan and coordinate our efforts together and I’m referring to the DENR, which I represent, the National Water Resources Board, and everyone here in Malacañang,” ani David.

Sa pamamagitan ng MOA, ang irigasyon na pinamamahalaan at binuo ng NIA ay hindi na lamang magsisilbi sa sektor ng agrikultura dahil ang excess irrigation ay gagamitin na para sa produksyon ng kuryente, bulk water supply, aquaculture, recreation, at turismo, at iba pa.

Kasama rin sa iba pang mga layunin ang pagtaas ng kita ng NIA.

Ang DENR, sa pamamagitan ng National Water Resources Board (NWRB) at ng Water Resources Management Office (WRMO), ay itatalagang pangalagaan at protektahan ang mga yamang tubig upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan sa ilalim ng mga umiiral na batas sa pamamahala at paggamit ng tubig.

Hinikayat naman ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra, ang WRMO na “maging mas tumutugon sa pagbabago ng mga pangangailangan ng bansa sa paggamit at pagpapaunlad ng tubig na naaayon sa pinagbabatayan na mga prinsipyo ng water code at ang layunin ng ating Pangulo para sa seguridad ng tubig.”

Ang nasabing MOA ay alinsunod sa Executive Order (EO) No. 22 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lumikha ng WRMO sa ilalim ng DENR, na siyang magiging responsable para sa “pagsasama-sama at pagkakaisa ng lahat ng pagsisikap ng pamahalaan at mga aktibidad sa regulasyon upang matiyak ang pagkakaroon at sustainable na pamamahala ng yamang tubig sa buong bansa.” EVELYN QUIROZ