PATULOY ANG PAGLAGO NG BPO INDUSTRY

SA kabila ng pandemya, kasama raw ang Pilipinas sa mga bansang may lumalagong industriya ng Business Process Outsourcing (BPO).

Maraming Pilipino ang nabibigyan ng pagkakataon na maging call center agents kahit hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Ilan din sa pang-akit ng BPO ang mataas na suweldo.

Siyempre, nariyan din ang mabilis na proseso ng aplikasyon.

Ang pinakamaganda sa lahat, no age limit o walang pinipiling edad.

Sabi nga, mapapa-“sana all” ka na lang.

Pasok sa pinakamahuhusay na industriya ng BPO sa buong mundo ang ilang lugar sa bansa.

Kung hindi ako nagkakamali, kabilang dito ang Metro Manila, Cebu, Davao; Santa Rosa, Laguna; Bacolod; Iloilo; Dumaguete; Baguio; at Metro Clark sa Pampanga.

Kung dati ay maraming takot na makipagsapalaran sa industriya, nang pumasok ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, nabura na ang kanilang pangamba at kawalang-katiyakan.

Natatandaan ko pa noon na mismong Presidente ang nagsabi na irerespeto niya anuman ang mga nilagdaang kontrata at kasunduan ng gobyerno.

Siyempre, walang aalalahanin ang buong sektor ng BPO sa loob ng kanyang termino.

Naaalala ko rin na hinikayat niya noon ang mga business leader na mamuhunan pa rito.

Taliwas ito sa mga dating administrasyon na matamlay at malamig ang pagtrato sa mga nasa hanay ng BPO.

Tila ginamit lang ito at nang makapagpasok ng dolyares sa ekonomiya ay binalewala na at hindi na nabalingan ng atensiyon.

Kaya ngayon, hindi kabadong umuwi sa alanganing oras ang mga millennial na nagtatrabaho sa industriya dahil sa gobyernong may tapang at malasakit.

Isa ang BPO sa mga sinasandalan ng ekonomiya sa bansa.

Pangalawa ito sa sektor ng overseas Filipino workers (OFWs).

Kung hindi raw dahil sa dalawang industriyang nasabi ay hindi makararaos ang Philippine economy.

Kumpiyansa nga ang IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) na mabilis ang paglago ng kanilang hanay ngayong taon.

Sabi kasi ni IBPAP chairman Benedict Hernandez, batay raw sa isinagawa nilang 2021 industry growth survey, binanggit na 56 percent ng respondents ang nagsabing susulong ang BPO sa taong ito.

Halimbawa na lang daw noong nakaraang taon na kahit kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay nagkaroon din ng paglago sa employment at revenues ng IT-BPO industry.

Kapuri-puri raw ang katatagan ng katulad nilang sektor, gayundin ang gobyerno dahil sa pagpayag nitong magpatuloy ang kanilang operasyon.

Kumbaga, kahit krisis, hindi natitinag ang BPO.

Katunayan, natatandaan ko rin na dumaan pa nga sa puntong halos mahigitan ng sumisiglang kita ng BPO industry ang OFW remittances noong 2016.
Sinasabing ang mga sektor ng healthcare, banking at finance ang dahilan daw ng kanilang paglago noong mga nakaraang taon.

Ang Pilipinas ang nangunguna sa voice-based BPO.

Ang healthcare BPO, dahil sa taglay nitong malaking lupon ng talento, ay isa sa pinakamabibilis lumagong sektor.

Aba’y naging alternatibong karera ito para sa libo-libong nurses na nagtatrabaho sa medical transcription, pharmaceutical benefit management, data management, at marami pang iba.

Ang pagkamahusay raw sa Ingles ng mga Pinoy ang nagbigay-daan para sa malawakang voice-based services outsourcing sa bansa sapul noong 2012.

Mula noon hanggang ngayon, mataas ang demand sa mga call center, at nahigitan nito ang iba pang bansa bilang No. 1 destination para sa call center operations.

Ganyan kalawak ang nagiging ambag ng BPO industry sa ekonomiya ng ating bansa.

Bunga nito, ngayong panahon ng pandemya, mahalagang mabigyan ng maayos, mabilis at ligtas na transportasyon ang mga nasa BPO industry dahil sa patuloy na paglago ng kanilang hanay.