(Patuloy na isusulong sa Senado)UMENTO SA SAHOD

Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri

TINIYAK ni Senate President Juan Miguel Zubiri na patuloy niyang isusulong ang pagtaas ng sahod ng nga manggagawa sa bansa.

Ginawa ni Zubiri ang pahayag sa pagdiriwang ng Labor Day kahapon.

“Ngayong Labor Day, kasama ako ng lahat ng mga manggagawa sa pagsulong ng tamang sahod, benepisyo, at kondisyon sa pagtatrabaho,” ani Zubiri.

“Alam kong napakahalaga nito lalo na at patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin, na kahit na pagpaguran ng isang manggagawa ang kanyang full-time na trabaho, minsan ay hindi na rin sapat ang pasahod dito para suportahan ang kanyang pamilya.”

Ang National Capital Region ang kasalukuyang may pinakamataas na minimum wage, sa P570 (non-agriculture), habang pinakamababa ang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na P316 (non-agriculture).

Sa simula ng 2023, tinamaan ang Pilipinas ng pinakamataas na inflation rate sa huling 14 na taon, sa 8.7 percent.

“Kailangang mahanapan natin ng solusyon ang lumalawak na pagitan sa gitna ng sahod at gastusin, sa lalong madaling panahon. Kaya naman nitong March, nag-file ako ng across-the-board-wage increase act sa Senado.”

Ang Senate Bill No. 2002 ni Zubiri, o ang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023, ay naglalayong itaas ang minimum wage ng pribadong sektor sa buong bansa sa P150.00.

“Kailangan nating iangat ang ating mga manggagawa, at siguruhin na nakukuha nila ang tamang sahod na pinagpapaguran nila. Ang mga manggagawa ang pundasyon ng buong business sector, at kung wala sila, babagsak ang ating ekonomiya at ang ating bansa. Kaya ibigay natin kung ano ang nararapat sa kanila,” dagdag pa ni Zubiri.