PATULOY NA PAGBABA NG KASO HINDI NANGANGAHULUGANG MAGING KAMPANTE

Joe_take

HINDI natin maipagkakaila na magmula noong tayo ay naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19, ang Pilipinas ay isa sa mga bansang higit na umasa sa mga donasyon na bakunang mula sa mas mauunlad na mga bansa. Ito ay bahagi ng kanilang mga pangako na makapagbigay ng abot-kaya at pantay-pantay na access sa mga bakuna.

Ngunit bilang tagapangasiwa ng kanilang mga bansa, hindi natin masisising mas inuuna ng kanilang pamahalaan ang pangangailangan ng kanilang mga mamamayan lalo pa at ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay ang inaasahang magiging susi sa pagbangon ng mga nasirang ekonomiya.

Bukod sa mga donasyon ay patuloy rin ang ating pamahalaan sa pagbili ng mga bakuna at mga COVID-19 pill na inaasahang makatutulong  sa ating pagbangon.

Sa tulong ng mga ito, kapansin-pansin ang patuloy na pagbaba ng arawang bagong kaso sa ating bansa. Noong Linggo lamang, nakapagtala ang Pilipinas ng 1,712 na bagong kaso  na mas mababa kaysa sa 1,923 na naitala noong Sabado.

Ayon sa Department of Health, ang mga aktibong kaso rin sa Pilipinas ay bumaba na sa 60,500 mula sa dating 62,500, samantalang ang bilang ng mga bagong pumanaw ay nasa 77 na mas mababa rin kaysa 198 na bilang noong Sabado.

Kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia, ang Pilipinas ay sumusunod sa Indonesia sa may pinakamaraming naitalang COVID-19 simula nang mag-umpisa ang pandemya.

Ngunit kung ikukumpara natin ang mga huling datos ng World Health Organization, ang mga aktibong kaso sa Pilipinas ay nasa 60,532 lamang kumpara sa Indonesia na may 536,358 na kaso. Ito rin ay mas mababa sa naitalang aktibong kaso ng Malaysia (243,342), Vietnam (432,850), Thailand (162,457) at Singapore (61,898).

Maaaring kataka-taka ang pagbaba ng arawang kaso sa ating bansa, lalo na at mas niluwagan na ng pamahalaan ang quarantine restriction sa mga lugar at mas marami na rin naman ang nagaganap na paghahalubilo.

Kung tutuusin, maaaring mas mataas pa ang mga bilang kung ipagpapatuloy ng bansa ang mass testing at contact tracing. Kapansin-pansin na ang mga Pilipino ay mas nagiging kampante na ngayon dahil hindi naman umano malala ang epekto ng Omicron variant kumpara sa  mas malubhang Delta.

Kahit na marami nang Pilipino ang nakatanggap na ng bakuna, sa tingin ko ay kailangan pa rin natin ang patuloy na intervention katulad ng contact tracing, mass testing, at isolation para sa mga nahawaan ng COVID-19.

Dahil din sa takot na tayo ay bumalik na naman sa simula, ang mga pamahalaan ngayon, kabilang na ang Pilipinas, ay bukas sa posibilidad ng pamimigay ng pang-apat na dosage ng bakuna upang higit pang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa naturang sakit.

Bukod dito, higit na mahalaga ang patuloy na education at information campaign, pati na ang pag-aabot ng mga bakuna sa mga liblib na lugar, sa mga Indigenous People, at sa mga vulnerable na sektor, dahil kung ating titingnan, naging sapat na para sa mga tao na sila ay nakatanggap na ng dalawang dosage ng bakuna hindi  dahil sa pagnanais ng proteksyon kundi dahil ito ay nagsilbi nang requirement sa bawat transaksyon pati sa kanilang mga patutunguhan.

Ang bawat inisyatiba ng gobyerno ay napakahalaga hindi lamang para sa ating kaligtasan, ngunit maski na rin sa pagbabalik sa normal na pamumuhay at pagbangon ng ekonomiya. Karapatan nating mamuhay nang normal at bilang mamamayan, may kakayahan tayo upang ibigay ito sa bawat isa.

Bilang mamamayan, ang tangi lang nating magagawa sa ngayon ay ang maging maingat para sa ating mga sarili. Nasa loob o labas man ng ating mga tahanan, ating ipagpatuloy ang pagsunod sa mga pamantayang ipinatutupad upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 katulad ng pagsusuot ng face mask, regular na paghugas ng kamay, at pag-obserba sa social distancing.

Sa hirap ng panahon ngayon, wala na tayong ibang higit na mahihiling pa kundi ang matapos na ang  COVID-19. Ngunit hindi ito matatapos na parang bula lamang sapagkat ang kooperasyon ng pamahalaan, pribadong sektor, at ang bawat mamamayan ay higit na napakahalaga.