PATULOY NA PAGTAAS NG INFLATION DAPAT MAKONTROL

inflation

Joes_takeNAKAAALARMA ang inilabas na datos kamakailan ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa mataas na inflation rate ng nakaraang buwan ng Abril kumpara sa parehong buwan ng nakaraang taon.

Nagtala ng mas mabilis na pagtaas ang inflation rate na 4.5 porsiyento noong nakaraang buwan, kumpara sa 4.3 porsiyento noong Marso, at sa  3.2 porsiyento noong Abril 2017.

Ito na ang pinakamataas na inflation rate magmula pa noong 2011 na naitala sa 4.7 porsiyento.

Ang inflation ay ang pagtaas ng presyo ng ilang pangkaraniwang serbisyo’t produktong binibili ng pangkaraniwang mamamayan kasama na ang pamasahe at kung ano-ano pa.

Mas madali itong maiintindihan kung pamilyar tayo sa konsepto ng Consumer Price Index o CPI.  Ipinakikita nito kung gaano kalaki ang itinaas ng CPI sa nakalipas na taon o buwan.

Kung ang buwanang inflation rate ay mas mataas sa isang partikular na panahon, ibig sabihin, ang pangkaraniwang halaga ng isang basket ng mga produkto ay mas mataas kumpara sa halaga nito sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Ang ibig sabihin, kung nakakapag-grocery ang isang pamilya sa ha­lagang isang libong piso na halos mapuno ang basket nila noong Marso, nangalahati na lang ang laman ng basket noong Abril dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang sanhi ng pagtaas ng inflation rate ay dahil sa pagsirit ng ­presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado sanhi ng  lumalalang tensiyon sa Middle East, kasama na rin ang epekto ng buwis na itinakda ayon sa TRAIN na sinimulang ipataw noong Enero sa mga bilihin kagaya ng alcohol, inuming pampalamig at sigarilyo.

May epekto rin ang singil sa kuryente, pati na ang mababang halaga ng piso sa merkado. Mabuti na lang at magandang balita ang ihinatid ng Meralco ukol sa presyo ng kuryente ngayong buwan. Bumaba ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa mga plantang nagbalik ope­rasyon matapos mag-maintenance shutdown kaya kahit panahon ng tag-init, at kahit nagtataasan ang presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo, kontra agos ang presyo ng singil sa kuryente ng Meralco ngayong Mayo na bumaba ng Php0.54 kada kilowatthour.

SAWATAIN ANG INFLATION RATE

Gumagawa na raw ng paraan ang BSP para kontrolin ang patuloy na pagtaas ng inflation rate. Ayon sa kanila, aabot lamang sa 3.9 porsiyento ang CPI sa taong ito, at bababa ng 3 porsiyento sa susunod na taon. Ito ang kanilang tatalakayin sa isang policy review ngayong linggo para masawata ang mabilis na pag-angat ng inflation. May bahid ng pagkabahala ang ilang orga­nisasyon, partikular na ang Laban Konsyumer Inc. (LKI) na nanawagan sa pamahalaan ng isang mabilisang aksiyon para pigilin ang pagtaas ng CPI.

Ayon sa presidente ng LKI na si Victorio Mario Dimagiba, dahil sa mataas na inflation rate, may 30 porsiyento ng mga tahanan sa lipunan, kasama na ang mga mahihirap na konsyumer, ay naging miserable ang buhay.

Pinatutunayan ng resulta ng pinakahu­ling survey ng Pulse Asia ang epekto ng TRAIN sa pagtaas ng presyo ng mga produkto. Umabot sa 98 porsiyento ang nagsabing tumaas ang presyo ng pangunahing bilihin dahil sa bagong tax reform law, at 86 porsiyento ang nagsabing labis silang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga produkto.

Marahil ay kaila­ngang dinggin ng admi­nistrasyon ang samo ni Dimagiba na pag-isipang mabuti kung dapat nga bang ipatupad ang tax reform law. Umaapela rin ang LKI sa Mataas na Hukuman na pigilin ang pagpapataw ng mataas na buwis sa mga sensitibong produktong malaki ang epekto sa lipunan kagaya ng diesel, LPG, kerosene at coal.

PROTEKSIYON SA KONSYUMER

May malaking obligasyon ang pamahalaan para proteksiyunan ang mga konsyumer sa epekto ng patuloy na pagtaas ng CPI. ‘Di mapipigil ng gob­yerno ang  market forces na kadalasang nagdidikta sa pagtaas o pagbaba ng mga presyo ng bilihin pero dapat tiyakin ng pamahalaan na makatuwiran at hindi mapang-abuso ang pagtaas ng presyo, lalo na ng mga pangunahing produkto.

Marami pa rin kasing mapagsamantalang mga negosyante na ginagamit ang TRAIN para itaas ang presyo ng kanilang produkto nang walang pakundangan. Dapat itong sitahin ng gobyerno, partikular ng DTI, at agad patawan ng kaukulang parusa para hindi tularan.

Kailangang magpatupad ang BSP ng kongkretong patakaran sa pananalapi na maninigurong hindi labis ang dami ng salapi sa merkado na nagbubunsod ng agarang pagtaas ng mga ­presyo ng bilihin dahil sa malawakang demand.

Napipinto ding ipa­tupad ng pamahalaan ang pangalawang salin ng TRAIN subalit dapat munang pag-isipang mabuti  kung nararapat nga ba itong ipatupad. Kapag mas mataas kasi ang buwis, mataas din ang presyo ng mga bilihin.

Ang kailangang pagtuunan ng pamahalaan para makasabay tayo sa inflation ay ang pagbibigay ng oportunidad sa mga nakararaming Pilipino na magkatrabaho na may maayos na sahod o kita.

Ang pagtatayo ng mga imprastraktura sa ilalim ng ‘Build Build Build’ na proyekto ng pamahalaan ang isang paraan para makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.

Ang realidad ay hindi natin maiiwasan ang inflation na kadalasan ay market forces ang nagtatakda. Ang inflation ay puwedeng indikasyon na ang ekonomiya ng isang bansa ay lumalakas.

Marahil doon na nga patungo ang ating bansa. Sana nga.

 

Comments are closed.