PATULOY NA PAGTAAS NG KASO NG COVID-19 KAILANGANG TUTUKAN

Joe_take

KUNG ating ikukumpara sa nakaraang dalawang taon, tila naging mas maganda ang pagsalubong natin ngayon sa Bagong Taon dahil na rin sa ipinatutupad na mas maluwag na quarantine restriction.

Bunsod nito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga pamilya, mga magkakamag-anak, at mga magkakaibigan na magkita-kita bilang pagdiriwang ng okasyon.

Subalit, ang naging masayang pagsalubong sa Bagong Taon kapiling ang mga mahal sa buhay ay mayroon palang kaakibat na hindi magandang kahihinatnan. Wala pang isang linggo mula nang pumasok ang taong 2022, ang pagiging kampante ng mga Pilipino ay nagresulta na sa muli na namang pagtaas ng kaso ng COVID-19 kada araw. Mula sa karaniwang bilang na humigit kumulang 200 na kaso kada araw bago ang Kapaskuhan, ang bilang ng bagong kaso noong ika-6 ng Enero ay pumalo na sa 17,220. Ayon sa ilang eksperto, maaari pa itong umabot sa 40,000 kung patuloy na magiging kampante ang mga tao at kung walang gagawing aksiyon ang mga kinauukulan dito.

Bagaman inaasahan ng pamahalaan na magkakaroon ng pagtaas sa kaso ng COVID-19 kada araw sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon, ikinagulat nito ang biglaan at mabilis na pagtaas ng bilang nito sa hindi inaasahang antas. Bunsod nito ay muling isinailalim sa Alert Level 3 ang Metro Manila at ilang karatig na lugar nito hanggang ika-15 ng Enero upang makontrol ang muling pagkalat ng virus.

Sa ilalim ng nasabing alert level, ang mga indibidwal na hindi pa nakatatanggap ng bakuna kontra COVID-19, mga menor de edad, at mga senior citizen ay hindi maaaring lumabas ng kanilang mga bahay. Ang kapasidad naman ng mga kainan at mga gusali ay muling ibinaba.

Mismong si Health Secretary Francisco Duque III na ang nagsabi na hindi dapat hayaang lumampas sa red line ng healthcare utilization ang bansa. Kailangan ding patuloy na bigyan ng proteksiyon ang mga indibidwal na maaaring lubhang mahirapan sa sintomas ng virus at maaaring mangailangan ng medikal na atensiyon mula sa mga ospital.

Bagaman naging mabilis ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 ngayong taon, kung ito ay ikukumpara sa kaparehong insidente noong 2021, ang bilang ng mga pasyenteng nasa kategoryang ‘severe’ ay hindi hamak na mas mababa ngayon. Ito ay resulta ng agresibong programa sa pagbabakuna ng pamahalaan at ng mga miyembro ng pribadong sektor.

Tunay na maraming buhay ang naililigtas ng bakuna. Maaaring hindi nito mapipigilan ang pagkakaroon ng virus ngunit tiyak na magiging mas madali para sa ating katawan ang paglaban sa sintomas nito. Gaya ng aking laging sinasabi sa aking mga nakaraang column, mas mabuti na ang maging protektado kaysa walang anumang panlaban sa nakahahawang virus na ito.

Ayon din sa mga eksperto, ang pagkakaroon ng kumpletong bakuna laban sa COVID-19 ay nakatutulong sa pagpigil sa paglipat ng virus sa ibang indibidwal. Kailangang  magtulungan ang pamahalaan, pampublikong sektor, at pribadong sektor sa pamamahagi ng impormasyon ukol sa mabuting epekto ng pagtanggap ng bakuna.

Lalong mahalaga ngayon ang magsagawa ng mga kampanya ukol sa benepisyo ng pagpapabakuna dahil marami pa rin ang hindi lubos na naniniwala sa bakuna lalo na sa mga lugar na hindi agad naaabot ng mga impormasyon mula sa telebisyon at radyo. Higit sa lahat, kailangan pang paigtingin ang programang pagbabakuna ng pamahalaan.

Ang laban na ito kontra COVID-19 ay hindi lamang nakasalalay sa pamahalaan. Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng mga mamamayan. Kailangan palaging sumunod sa mga pamantayang pangkaligtasan at pangkalusugan na ipinatutupad ng pamahalaan. Kasabay ng pagtaas ng kaso ay ang mga balita ukol sa kabi-kabilang paglabag sa mga ipinatutupad na quarantine protocol. Kailangang paigtingin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga ganitong insidente.

Hanggang hindi nakokontrol ang mabilis na pagkalat ng virus, ang paggalaw ng mga tao, ang paglago ng ekonomiya, at ang kalusugan ng lahat ay mananatiling nasa alanganin. Babalik at babalik tayo sa kung saan tayo nagsimula kung hindi mahahanap ng pamahalaan ang tamang balanse sa ating kasalukuyang sitwasyon.

Tayo bilang mamamayan, gawin natin nang maayos ang ating papel sa laban na ito. Ipagpatuloy ang pagsusuot ng tamang kalidad ng mask at siguraduhing nakatakip nang maayos ang bibig at ang ilong. Lagi ring maghugas ng kamay at gumamit ng alcohol. Patuloy ring ipatupad ang social distancing kahit sa loob ng tahanan. Hanggang maaari ay iwasan munang lumabas ng bahay.

Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Patuloy tayong maniwala na ang pandemyang ito ay pansamantala lamang. Pasasaan ba’t makababalik din tayo sa ating normal na takbo ng buhay. Sa ngayon, tayo ay magkaisa bilang isang bansa sa laban kontra sa COVID-19.