PATULOY NA PAGTAAS NG PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO DAPAT TUTUKAN

JOE_S_TAKE

NAGSISIMULA na ang muling pagbubukas ng ekonomiya ng malalaking bansa kaugnay ng pagbaba ng kaso ng COVID-19. Bilang resulta, nagkaroon din ng biglaang pagtaas sa demand ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado. Bagaman magandang balita ang ukol sa muling pagbubukas ng ekonomiya ng ibang bansa, nagkaroon naman ito ng hindi magandang epekto sa mga bansang nag-aangkat ng produktong petrolyo gaya ng Pilipinas.

Tila hindi na makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa. Muli na namang nag-anunsiyo ng pagtaas sa presyo ng diesel, gas, at kerosene ang mga lokal na kompanya ng langis. Ang presyo ng diesel ay tumaas ng P0.45 kada litro at P1.15 naman ang itinaas ng presyo ng gasolina. Ito na ang ika-siyam na sunod na linggo ng pagtaas ng presyo.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa ay nagkakaroon ng sanga-sangang epekto sa presyo ng iba’t ibang produkto at serbisyo sa bansa.

Ang pagtaas sa presyo ng transportasyon ay malamang na magkaroon ng epekto sa presyo ng mga pagkain. Kalaunan, ito ay maaaring magresulta sa demand na dagdag sa suweldo ng mga manggagawang Pilipino sa pribado at pampublikong sektor. Habang nagsisimula pa lamang makabangon ang mga maliliit na negosyo mula sa epekto ng pandemya, ang ganitong pangyayari ay maaaring maging dahilan upang permanente na silang huminto sa operasyon.

Tila limitado talaga ang maaaring tugon sa krisis na ito dahil ang Pilipinas ay umaasa lamang sa pag-angkat ng produktong petrolyo. Ito ay maituturing na isa sa kahinaan ng ating ekonomiya. Ayon sa ulat ng World Bank, ang presyo ng produktong petrolyo ay inaasahang patuloy na tataas hanggang sa unang kalahati ng susunod na taon. Sa kasalukuyan, hindi rin nakatulong ang pagsabay ng pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.

Dagdag pa ng World Bank, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo dulot ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay maaaring makapagpabagal ng pagbangon ng ekonomiya ng mga bansa. Maaari ring makadagdag sa krisis na ito ang lagay ng panahon, mga hamon sa supply, at ang muling pagkakaroon ng matinding pagtaas sa bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa mga lokal na ekonomista, ang pagpapatuloy ng krisis na ito sa industriya ng enerhiya ay maaaring magresulta sa mas malalang antas ng inflation sa bansa.

Bagaman ang industriya ng transportasyon ang siyang direktang apektado ng nasabing krisis, ito ay maituturing na malaking problema pa rin para sa mga mamamayan dahil sa sanga-sangang epektong dala nito.

Marami sa atin ay nagkakaproblema na sa badyet ngayong panahon ng pandemya at ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay lalong makapagpapahirap sa mga mamamayan lalo na ang mga nawalan ng hanapbuhay.

Kaugnay ng krisis na ito, maraming mga personalidad na ang nagrerekomenda ukol sa pansamantalang pagsuspinde ng pagpataw ng excise tax at value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo. Subalit wala pang tugon ang pamahalaan ukol dito. Ilang mambabatas ang nagrekomenda naman na sa halip na ipatupad ang wholesale suspension ng pangongolekta ng buwis sa langis, ang gagawing pagpapaliban ay itutuon sa sektor ng pampublikong transportasyon dahil sa ang mga ito ang nakararamdam ng matinding epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Kasalukuyan na ring pinag-aaralan ng Department of Energy (DOE) ang muling pamamahagi ng subsidiya sa mga public utility vehicle (PUV).

Dahil nga wala pang masabing eksaktong petsa kung kailan babalik sa normal ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, wala ring kasiguraduhan kung hanggang kailan magdurusa ang mga bansang gaya ng Pilipinas na umaasa lamang sa pag-angkat nito.

Nawa’y maglabas na ng plano at desisyon ang pamahalaan ukol sa kung paano tutulungan ang mga mamamayan lalo na ang mga PUV na siyam na linggo nang hinaharap ang hamon ng mataas na presyo ng diesel at gasolina.

Nawa’y dinggin din ng pamahalaan ang rekomendasyon ng Laban Konsyumer, Inc. na magpatupad ng price freeze upang mabigyan din ng proteksiyon ang mga mamamayan laban sa epekto ng krisis na ito.

Nagsisimula pa lamang tayo sa muling pagbubukas ng ekonomiya. Ang krisis na ito ay nagsisilbing hadlang sa ating muling pagbangon sa kabila ng pandemyang COVID-19.

Comments are closed.