PATULOY NA PAGTAAS NG PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO KAILANGANG PAGHANDAAN

JOE_S_TAKE

HINDI lamang kapansin-pansin kundi damang-dama rin ang ilang linggong sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Kamakailan lamang ay muling nag-anunsiyo ng pagtaas sa presyo ang iba’t ibang oil companies na naging epektibo noong ika-12 ng Oktubre. Ang gasolina ay tumaas ng P1.30 kada litro, P1.45 kada litro naman ang kerosene, at P1.50 kada litro ang itinaas ng diesel. Tinatayang umabot na sa P5 hanggang P7 ang itinaas ng presyo kada litro nitong nakaraang pitong linggo.

Ayon kay Energy Department Oil Industry Management Bureau Director Atty. Rino Abad, tinatayang magpapatuloy pa ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina sa mga susunod na linggo. Kaugnay nito, ang iba’t ibang grupo ng transportasyon ay nagsumite ng petisyon hinggil sa pagtaas ng singil sa pasahe. Mula sa minimum na P9, ito ay ipinapakiusap ng mga grupo na itaas sa P12. Sakop nito ang ruta sa Metro Manila, Gitnang Luzon, at sa Calabarzon. Subalit hindi sumang-ayon si Transport Secretary Arthur Tugade sa hiling na dagdag-pasahe. Aniya, kailangag humanap ng ibang paraan sa pakikipagtulungan sa mga grupo at operator ng mga pampublikong transportasyon sa bansa. Mas maraming mamamayan ang maaapektuhan kung itataas ang presyo ng pamasahe.

Pinag-aaralan naman ng mga ahensiya ng pamahalaan ang tungkol sa pagbibigay ng subsidiya sa anyo ng pera o gasolina sa mga operator at drayber ng mga pampublikong sasakyan. Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Joel Bolano, sila ay nakikipag-ugnayan sa Department of Energy (DOE) ukol sa posibleng muling pamimigay ng subsidiya. Dagdag pa ni Bolano na madali na raw itong maipatutupad dahil mayroon nang sistemang nakalatag bunsod ng nauna nang pagpapatupad nito.

Ang krisis sa pagtaas ng presyo ng gasolina ay hindi lamang sa Pilipinas nangyayari. Ito ay resulta ng kakulangan sa supply ng langis na krudo sa pandaigdigang merkado. Inaasahang ito ay magpapatuloy hanggang sa katapusan ng taon at maaari lamang magsimulang humupa sa first quarter ng taong 2022.

Ayon sa International Energy Agency (IEA), ang presyo ng langis at natural gas ay nakitaan ng matinding pagtaas nitong mga nakaraang taon. Bilang resulta, tumataas din ang presyo ng koryente dahil sa kakulangan ng supply nito sa Asya at Europa. Ang epekto nito sa ekonomiya ng bawat bansa ay tiyak na magsasanga-sanga. Ang pagtaas ng presyo ng koryente ay maaaring maging dahilan ng paglala ng antas ng inflation sa bansa. Kung magkakaroon ng matinding kakulangan sa supply, malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng malawakang brownout na makaaapekto sa operasyong industriyal ng bansa. Kapag ito ay nangyari, babagal ang pagbangon hindi lamang ng ekonomiya ng bansa kundi pati ng pandaigdigang ekonomiya.

Maging ang mga malalaking bansa gaya ng China, India, at mga bansa sa Europa ay nakararanas din ng kakulangan sa supply sa koryente dahil sa matinding pagtaas sa presyo ng langis, gas at ng coal.

Sa bansang China, ang mga malalaking kompanya ay pinayuhang kontrolin ang kanilang konsumo ng koryente. Nakararanas din ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente ang mga mamamayan. Sa katunayan, pansamantalang kinansela ng China ang light show na idinaraos nito taon-taon. Mayroon ding mga gusali kung saan ang mga indibidwal na nasa unang tatlong palapag lamang ang opisina ay pinagbabawalang gumamit ng elevator bilang paraan sa pagtitipid sa konsumo.

Hindi naman nagkakalayo rito ang mga hakbang na ipinatupad ng bansang India. Ang mga residente rito ay hinihikayat na gawing kaugalian ang masinop at matalinong paggamit ng koryente. Nagpapatupad din ng rotational brownout sa bansa. Sa katunayan, ang mga residente ng estado ng Punjab ay nagpoprotesta na dahil sa mga nakatakdang pagkaantala ng serbisyo ng koryente sa kanilang lugar na tumatagal ng halos anim na oras.

Hindi rin kaaya-aya ang nangyayari sa United Kingdom. Ang UK ang nakaramdam ng pinakamatinding epekto ng krisis na ito. Ang presyo ng koryente sa bansa ay tumaas ng 200% sa unang siyam na buwan ng taong 2021. Sa katunayan, umabot na ito sa puntong handa na ang pamahalaan na magpahiram ng pera sa mga industriyang malakas kumonsumo ng koryente upang makatulong sa pagbayad ng kanilang matataas na bayarin sa koryente.

Sa Spain, napabalitang tumaas ng triple ang presyo ng koryente mula noong Disyembre 2020. Bilang tugon, inanunsiyo ng pamahalaan na magpapatupad ito ng mga hakbang na  maglalagay ng limitasyon sa presyo ng koryente. Ang France at Italy naman ay nangakong magpapahatid ng tulong pinansiyal upang matulungan ang mga mahihirap nitong residente sa pagbabayad ng kanilang koryente.

Ang bansang US ay hindi rin ligtas sa krisis na ito. Nakaranas ito ng 47% na pagtaas sa presyo ng gasolina mula noong Agosto. Ayon sa pagtataya ng Bank of America, inaasahang magkakaroon ng pagtaas sa demand ng gasolina kaugnay ng pagsapit ng panahon ng tag-lamig. Bilang tugon, iminungkahi ni US Energy Secretary Jennifer Granholm na gamitin na ng US ang reserba nitong langis upang malabanan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Kung ang mga mayayamang bansa ay hindi ligtas sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, ito ay nangangahulugan na mas lalo itong dapat paghandaan ng iba pang bansa gaya ng Pilipinas. Kung susuriin, bagama’t nararamdaman na rin sa bansa ang epekto ng krisis na ito, mayroon pang mga hakbang na maaaring gawin, gaya ng pamamahagi ng subsidiya sa mga operator at drayber ng pampublikong transportasyon.

Isang mabuting balita rin na hindi pa tayo umaabot sa puntong kinakailangang magpatupad ng malawakang brownout dahil sa kakulangan sa supply ng koryente. Nawa’y huwag nang hintayin ng pamahalaan na humantong pa sa mga nabanggit ang sitwasyon ng bansa. Napakahalagang mapaghandaan ang krisis na ito lalo na’t tayo ay nasa kalagitnaan ng pakikipaglaban kontra sa pandemyang COVID-19.

6 thoughts on “PATULOY NA PAGTAAS NG PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO KAILANGANG PAGHANDAAN”

  1. I was lucky enough to stumble upon this site while surfing the internet and found something very interesting there. I really enjoy reading it. I enjoyed it a lot. Thanks for sharing this wonderful information 먹튀검증

  2. I always find and read your articles. I think you are really trying to share your knowledge and thoughts. I understand how hard it can be to write a blog post. I want to applaud your efforts. I’d love to see your article. I will bookmark it. Thank you. https://totoilmi.com/

Comments are closed.