MUKHANG hindi pa rin malinaw sa publiko ang isyu tungkol sa biglaang pagkansela ng serbisyo ng Pilipinas Teleserv, Inc. (Teleserv) na dating service provider of the Philippine Statistics Authority (PSA) Helpline Plus noong Disyembre ng nakaraang taon. Dahil dito, marami ang nabigla at naabala sa pagkuha o pag-request ng mga mahahalagang personal na dokumento o civil registry documents (CRD) tulad ng birth certificate, marriage at death certificates upang ayusin nila ang mga pangangailangan sa mga personal na plano sa pagsimula ng taong 2020.
Ayon kay Teleserv President Jun Yupitun, nagkonsulta na sila sa kanilang mga abogado upang pag-aralan at repasuhin ang kasunduan nila sa PSA kung ano ang nalabag ng nasabing ahensiya ng gobyerno sa kanilang legal na karapatan. Naghain na sila ng kanilang demand letter sa PSA at naghihintay lamang sila ng kasagutan.
Giniit ni Yupitun na kung ibinigay lamang sa kanila ng PSA ang ‘due process’ upang magpaliwanag kung mayroon mang gusot na nakikita sa pananaw nila na kamalian ng Teleserv, hindi sana aabot sa ganitong sitwasyon. Para kay Yuptuin, ‘ni ha, ni ho’ ay hindi sila nabigyan ng sapat na pagkakataon upang magpaliwanag bago ipinahinto ang kanilang serbisyo.
Pinabulaanan din ng Teleserv ang pinag-ugatan ng pagkakasibak sa kanila dulot ng isang liham na umaangal sa kanilang ser-bisyo. Wala pa raw ito sa kalahating porsiyento sa isang milyon na customer na gumagamit ng Teleserv sa pagkuha ng kanilang CRD noong nakaraang taon.
Sa katunayan, umabot na itong gusot sa kaalaman ng ilang mambabatas. Malamang ay marami rin ang naapektuhan sa kanilang mga constituent sa hakbang na ginawa ng PSA sa biglaang pagsibak ng Teleserv. Sa madaling salita, mukhang marami ang naper-wisyo rito.
Humingi tuloy ang ilang mambabatas na magpaliwanag ang PSA rito na maaring humantong sa isang imbestigasyon sa Kon-greso. Biruin n’yo naman, ang Teleserv na ginagamit ang pangalan na PSAHelpline ay ang nagungunang service provider ng PSA sa kanilang CRD. Bakit nga naman biglang sinibak?
Para kay House Deputy Speaker and Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, ito ay hindi tama. Ipinagdadamot daw ng PSA ang isang “good basic service” ng ating gobyerno. Salungat daw ito sa adhikain at kampanya ni Pangulong Duterte na magbigay ng mabilis at mabisang serbisyo sa ating mga mamamayan at matanggal ang tinatawag na red tape.
Ganu’n din ang pananaw ni House Assistant Majority Leader and Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo. Kailangan daw na magpaliwanag ang PSA kung bakit ang isang sistema na “efficient and corruption-free practice” ay biglang tinanggal.
Si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ay nagtataka rin kung bakit ang nasabing online service provider ng PSA na mabisa at tinatangkilik ng karamihan ng mga mamamayang Filipino ay biglang inalis.
Teka, teka…mukhang hindi pa yata natatapos ang gusot na ito habang marami sa atin ay nalilito at na-hihirapan sa pagkuha ng kani-kanilang civil registry documents sa pinakamabisang paraan. PSA…pakiayos naman po itong gusot na ito.
Comments are closed.