NITONG nakaraang linggo lamang ay pinangunahan ng kagalang-galang na Pangulo ng ating republika, Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang inagurasyon ng kauna-unahan at kaisa-isang supercritical coal power plant sa bansa, ang San Buenaventura Power Limited (SBPL).
Ang nasabing planta ay may kapasidad na 500 Megawatts at maituturing na malinis na planta ng coal dahil sa modernong teknolohiya nito. Ako ay nabigyan ng pribilehiyong masaksihan ang nasabing inagurasyon. Ito ay isang makasaysayang kaganapan dahil sisimulang baguhin ng plantang ito ang sitwasyon ng supply ng koryente sa ating bansa.
Maraming naniniwala sa mga kuru-kuro na ang mga planta ng koryente na gumagamit ng coal ay masama sa kalikasan. Bunsod nito, marami rin ang nananawagan na tuluyan na itong alisin bilang pinagkukunan ng koryente ng bansa. Hindi ko intensiyon ang makipagdebate. Sa halip, ibabase ko na lamang sa siyensiya ang aking mga sasabihin. Ang bago at modernong teknolohiyang ito na tinatawag na supercritical ay nangangahulugan na ang antas ng kakayahan at kahusayan nito ay mas mataas kung ikukumpara sa kasalukuyang mga normal na planta ng koryente sa bansa na gumagamit ng coal. Sa mas simpleng salita, ginagamit nito ang parehong proseso ng mga normal na planta ng coal ngunit mas mababa ang paglabas nito ng carbon sa kapaligiran.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte, pinuri niya ang SBPL para sa inisyatibo nitong dagdagan ang supply ng koryente sa bansa. Idinagdag din niya na, “I am truly pleased that this participation has led to the construction of this environment friendly power generation facility which will not only help in the development of our communities in Mauban, Quezon, but more importantly augment the current level of power supply in Luzon.”
Mismong ang Pangulo na ang nagsabi na ang SBPL ay makapagbibigay ng dagdag na supply ng koryente sa bansa na siyang kailangan natin sa kasalukuyan lalo na rito sa Luzon. Tiyak na marami ang katulad kong sumasang-ayon sa sinabing ito ng Pangulo.
Sa kasalukuyan, kailangan talaga natin ng karagdagang supply ng koryente dahil kung kukulangin tayo nito, maaaring maantala ang pag-unlad ng ating ekonomiya. Kailangan natin ng sapat na supply ng koryente upang masiguro ang patuloy na pag-unlad ng ating ekonomiya at upang matulungan ang administrasyon ni Pangulong Duterte sa pagsulong ng mga proyektong imprastraktura na makatutulong sa patuloy na pag-angat ng antas ng kabuhayan sa ating bansa.
Siniguro rin ni Pangulong Duterte sa pribadong sektor na ang kanyang administrasyon ay mananatili at magpapatuloy sa pagsulong ng potensiyal ng renewable energy sa pagpapalago ng ating ekonomiya.
Ako ay lubos na humahanga at sumasang-ayon kay Pangulong Duterte nang bigyang-diin niya ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa unang tatlong taon nito. Mas darami pa ang mga miyembro ng industriya na gagamit ng mga estratehiyang pangnegosyo ukol sa pag-unlad nang walang kapahamakang idinudulot sa kapaligiran at sa mga komunidad na kalapit ng mga ito.
Sa ating patuloy na pagtahak sa landas tungo sa pagkakaroon ng sapat na supply ng koryente sa bansa, ako ay umaasa na ang pamahalaan at ang pribadong sektor ay magpapatuloy sa pagtutulungan sa ngalan ng pagkakaroon ng maliwanag at maunlad na kinabukasan para sa bansa. Bilang pagtatapos, uulitin ko ang sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati. “To our friends in the private sector, I ask you to follow the lead of San Buenaventura Power by investing in the generation of clean energy.”
Comments are closed.