(Patungong New Zealand) P7.5-M ‘SHABU FOR EXPORT’ NASABAT

PAMPANGA- HINDI na naipuslit palabas ng bansa ang mahigit isang kilo ng shabu nang masabat ng Bureau of Custom-Port of Clark ang shipment ng ilegal na droga.

Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, tinatayang nasa P7.507 milyon ang halaga ng shabu na tinangkang ilabas sa bansa.

“The Bureau of Customs – Port of Clark stopped an attempt to export P7.507 million worth of methamphetamine hydrochloride in a shipment declared as “shaft drive model” bound for New Zealand,” ani Rubio.

Nabatid na nagmula ang export shipment sa Parañaque City subalit agad itong namarkahan na suspicious cargo ng X-ray Inspection Project personnel.

Agad isinailalim ito sa K9 sniffing at physical examination na nagresulta para madiskubre ang tatlong cylindrical package ng white crystalline substances na tumitimbang ng 1,104 gramo na ikinukubli sa ini-export na shaft drive.

Kinumpirma rin ng Philippine Drug Enforcement Agency’s chemical laboratory analysis na ang nadiskubreng substances ay shabu.

Bunsod nito, agad na nagpalabas ng warrant of seizure and detention si District Collector Erastus Sandino Austria laban sa nasabing shipment kaugnay sa paglabag sa Republic Act (R.A.) No. 10863, or Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), in relation to R.A. No. 9165. VERLIN RUIZ