MALAKI na ang ipinagbago ng ugali ng player na ito. Mula sa pagiging tahimik noong nasa college pa lang siya hanggang sa tumuntong siya sa professional league ay marami ang nakapansin na na_ging mayabang na ang dating ng dating taga-Morayta.
Sabi ay mula nang mag-asawa ito na super rich ay nag-iba ang ihip ng hangin sa pagkatao ng basketbolista. Pero may nakapag-bulong sa akin na isa sa malapit sa player na sadyamg tahimik lang daw ang mama. Well, sana nga ay hindi totoong nagbago ang ugali ng player na ito dahil kung totoong mayabang siya at namimili ng kakausapin, eh siguradong masisira ang career niya.
Congratulations naman kay Paul Lee na pumirma ng tatlong taong kontrata sa kampo ng Magnolia Hotshots. Sa pagpirma niya ay kasabay ng panganganak ng kanyang asawang si Rubie. Baby girl ang panganay ni Paul kaya naman walang pagsidlan ang kaligayahan ng mag-asawa. Sa pagdating ng anak ni Lee sa kanila ay lalong mai-inspire maglaro ang dating UE Red Warrior. Congrats, coach Lawrence Tiongson na tumatayong manager ng basketbolista.
Wala umanong plano ang Rain or Shine na i-trade si Raymund Almazan bagama’t hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita ang player sa practice ng team. Malaking bagay si Almazan sa Elasto Painters. Sa totoo lang, ilang teams ang nagkakainteres na kunin ang dating Letran Knight. Family problem ang dahilan kung bakit ito hindi nagpapakita sa koponan.
Sana naman ay magparamdam na si Raymund alang-alang sa mga mababait na team owners na sina Mr. Raymond Yu at Mr. Terry Que.
Napag-alamanan ng On the Spot na ang father ni Japeth Aguilar na si Peter Aguilar ay nagpaplanong tumakbo bilang vice mayor sa Pampanga. Kung hindi ako nagkakamali ay tubong Sexmoan, Pampanga ito. Malaking bagay ang kasikatan ng anak ni Peter Aguilar na dating manlalaro ng Ginebra. Good luck!