PARANG wala nang katapusan ang problema sa baha.
Aba’y ilang dekada na ito.
Sa Metro Manila, maraming lider na ang dumaan pero wala namang nangyayari.
Tumanda at namatay na nga ang ilan sa kanila.
Puro eksperimento raw ang ginagawa ngayon at wala namang nagiging solusyon.
Matindi ang nangyayari ngayon dahil kahit konting ulan lang ay umaapaw kaagad ang mga estero o daluyan ng tubig.
Mabagal pa namang humupa.
Nang tumama ang Bagyong Egay na sinabayan pa ng southwest monsoon o hanging habagat, halos buong Luzon ay naapektuhan.
Wala yatang lugar na hindi binaha nang panahong iyon.
Mabagsik ang perwisyong dulot sa mamamayan ng mga ganitong kalamidad.
Kakambal ng pagbaha ang ilang problema tulad ng matinding trapik, kakulangan sa transportasyon, walang masakyan ang mga pasahero at iba’t ibang sakit na dala ng baha.
Noon pa man, laging sinasabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na basura raw ang dahilan nito.
Pumapalya na raw ang mga pumping station dahil sa mga plastic waste.
Hindi nga naman natutunaw ang plastik.
Kaliwa’t kanan na ang mga paglilinis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at MMDA.
Ang masaklap, waring wala pa ring nangyayari.
Tuwing sumasapit ang tag-ulan, bumabaha, bumabara ang mga daluyan ng tubig at matindi ang epekto sa mga mamamayan.
May isinusulong namang imbestigasyon kaugnay ng matinding pagbaha sa maraming lugar sa bansa dulot ng pananalasa ng bagyong Egay at patuloy na pag-ulan.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. daw ang humirit na may makasuhan sa kapabayaang ito.
Sinasabing bubusisiin sa pagdinig ang P183 billion flood control projects ng DPWH ngayong taon.
Aalamin daw ang detalye ng alokasyon ng ahensya sa 2024 na tumaas pa sa 17.8% o P215.6 bilyon.
Ilang dekada na ang nakalipas ay walang nangyayari at lumalala pa raw ang pagbaha.
Ito’y sa kabila ng bilyong-bilyong pisong pondong inilalaan dito ng pamahalaan.
Kaya naman, dapat ding sisihin o imbestigahan ang mga nakaraang kalihim ng DPWH at iba pang mga kinauukulang ahensya.
Hindi naman yata tamang sisihin nang sagaran ang kasalukuyan sa pagkakamali ng nakaraan.
Animo’y nakasanayan na rin naman ng ilang mga mambabatas na mamahiya ng mga resource person.
Sa palagay ko, mahalagang imbitahan din sa Kongreso o Senado ang mga dating hepe ng ilang ahensya gaya ng MMDA, National Irrigation Administration (NIA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), DPWH at iba pa, dahil sa mga naging kapabayaan nila noon.
Halata rin naman kasi ‘yung ibang mambabatas na kaya lang daw binubusisi ang mga ganitong usapin ay dahil sa kanilang ambisyon na umakyat o tumakbo sa mataas na posisyon.
Sila ‘yung mga nagpapanggap daw na malinis at grandstanding lang pala ang ginagawa.
Aba’y puro porma lang talaga ‘yung iba riyan at wala naman talagang nailalatag na solusyon.