BULACAN – HINAIN ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang kanilang proyektong North-South Commuter Railway o Malolos-Tutuban Route sa ginanap na BusinessMirror Coffee Club Forum, Hulyo 12.
Tinalakay ni G. Tetsuo Yamada, Senior Representative ng JICA, ang kanilang plano para sa railway system ng bansa. Ito ay ang kanilang sagot sa patuloy na paglala ng pagsikip ng trapiko sa Metro Manila na nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa.
May habang 38 kilometro ang ruta ng tren na magkakaroon ng estasyon sa Malolos, Bulacan hanggang Tutuban, Manila. Tinatayang nagkakahalaga ng 241 million Yen o halos 2 bilyong dolyar ang ipinahiram ng JICA sa gobyerno. At halos 287 million JPY naman ang halaga ng nasabing proyekto.
Sisimulan ang NSCR sa taong 2021 at inaasahang matatapos sa 2022. Matatandaang nalagdaan ang Loan Agreement noong Nobyembre 27, 2015.
Papatawan ng 0.1% na loan interest ang gobyerno at 40 taon ang nakalaang panahon upang mabayaran ang pagkakautang na ito ng bansa.
Kaalinsabay nito ay ang pagtatayo ng Philippines Railway Institute (PRI) bilang isang institusyon para sa pamamahala sa railway system ng bansa. Pamumunuan ito ng Department of Transportation (DOTr) sa ilalim ni Secretary Arthur Tugade.
Magsisilbi itong sentro ng pagsasanay para sa mga empleyado ng railway system. Ang PRI ay maglulunsad ng regulasyon, mga batas, at batayan para sa paglinang ng kakayahan ng mga railway operator.
Inilatag din ng JICA ang kanilang iba pang mga proyekto na nakapokus sa tatlong bagay: Economic Development, Overcoming Vulnerability, at Peace in Mindanao. MARY ROSE AGAPITO – OJT
Comments are closed.