“ANG maliliit na negosyo ang mga tagapagligtas ng ating ‘Covid-19 economy.’ Higit pang maraming Pilipino sana ang nawalan ng kabuhayan at naghirap kung hindi sila pumasok sa ‘online’ negosyo.”
Ito ang pahayag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na isang kilalang ekonomista.
Naihain ni Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, ang isang panukalang batas na magbibigay suporta sa maliliit na ‘online’ negosyo.
Pinamagatang “Online Small Enterprise Support Services Act of 2020” (HB 7698), panukala nito na bigyan ng mga bangko ng pamahalaan ng murang pautang, bigay-puhunan, libreng ‘credit reports’ at iba pang benepisyo at ayuda, bukod sa mga pagsasanay sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang mga may negosyong ‘online’ na hindi lampas sa P1-milyon ang taunang benta.
“Maraming negosyong ‘online’ ang lumitaw sa nakaraang ilang buwan dahil sa pandemya. Malungkot na marami sa kanila ang hindi pa rehistrado, kaya illegal, ngunit sa akin, hindi sila dapat parusahan, dahil naghanap buhay lang naman sila, kundi tulungan na lang na marehistro sila. Maliit at rahistrado man o hindi ang negosyo mo, nakakatulong ka sa ating ekonomiya. Bibigyan ka namin ng ayuda at iba pang benepisyo kung magrerehistro ka at magbabayad ng kaukulang buwis. Patas lang yan,” dagdag niya.
Si Salceda rin ang may-akda ng “Digital Economy Taxation Act,” na nakatuon sa malalaking korporasyong ‘digital’ para mapondohan ang mga programang tugon sa pandemya at mapasulong lalo ang ‘digital economy’ na “pundasyon ng ating hinaharap. Kung mababalam ang kailangang mga reporma, hindi maganda at gulo ang magiging bunga nito,” paliwanag niya.
Layunin ng HB 7698 ni Salceda na bigyan ng sapat na puhunan at ‘credit access’ ang mga nagnanais na magtatag ng maliliit na negosyong ‘online.’ Inaatasan nito ang mga pampamahalaang bangko na pautangin sila ng puhunan sa mababang interes o tubo lamang, at bigyan sila ng libreng ‘credit reports’ at ‘credit scores.’ Layunin din nitong likhain ang ‘Online Negosyo Center’ at isang ‘small online business one-stop portal’ para sa mga serbisyong ayuda ng gobyerno, bukod sa pagpapadali sa mga ito.
Comments are closed.