PAUTANG MAKABABAWAS SA BUDGET GAP

Albay Rep Joey Sarte Salceda-2

HINIMOK ng isang ekonomistang mambabatas ng Kamara ang pamahalaan na humiram muna ng pera upang mabawasan ang ‘budget gap’  dulot ng COVID-19 pandemya, at ipasa ng Kongreso ang mga panukalang batas sa pananalapi para mabayaran ang mga uutangin.

Payo ito ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda matapos niyang punahin na ang ‘budget deficit’ ng bansa sa unang limang buwan ngayong 2020 ay umabot na sa P562.2 bilyon, halos 695 beses ang laki kaysa sa P809 milyong ‘budget gap, sa kagayang panahon noong nakaraang taon.

Sa ulat ng Bureau of the Treasury (BTr), umabot na sa  P1.665 trilyon ang nailabas ng gobyerno at patuloy itong lumolobo, habang ang kita naman nito ay bumagsak sa P1.102 trilyon noong katapusan ng Mayo. Nangyayari ang ‘budget deficit’ kapag higit na malaki ang gastos kaysa perang pumapasok.

Ayon kay Salceda, may ilang ‘revenue measures’ na nakahain sa Kamara na makatutulong para isulong ang ‘credit rating’ ng Filipinas upang makautang ito ng may higit na mababang patong na interes. Kasama sa mga ito ang panukalang buwis sa ‘digital economy’ na inihain niya kamakailan at inaasahang magbibigay ng P29.1 bilyon sa pamahalaan, at ang panukalang buwis sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na magbibigay naman ng P45 bilyon sa gobyerno taon-taon.

Layunin ng panukalang “Act Establishing a Fiscal Regime for the Digital Economy” (HB 6765) na hulihin at buwisan ang halagang likha ng ‘digital economy;’ barahan ang mga lusutang likha ng malalabong probisyon sa sistema ng pagbubuwis;  at tukuyin ang mga akmang buwis sa ‘digital services’ sa bansa.

Sa ilalim nito gagawing ‘withholding tax agents’ ang mga ‘e-commerce platforms’ gaya ng Lazada para kolektahin ang ‘value added tax’ (VAT) sa mga produktong inangkat mula sa guma­gawa ng mga ito sa ibang bansa; at pagrehistruhin bilang mga local na korporasyong sangay sa bansa ang mga ‘digital services providers’ gaya ng Google, Facebook at Netflix bago sila payagang magnegosyo sa Filipinas para masaklaw sila ng VAT at ‘corporate income tax’ (CIT).

Aamiyendahan ng HB 6765 ang Sections 57, 105, 108, and 114 ng National Internal Revenue Code. Bukod sa naturang bill, si Salceda rin ang may-akda ng Motor Vehicle Road Users’ Tax bill na nakahain na sa Kamara at inaasahang magbibigay sa pamahalaan ng P205 bilyon sa loob ng limang taon.

“Payo ko sa pamahalaan na mangutang at gastusan na ang nararapat na mga hakbang para malupig natin ang COVID-19 at makabangon sa kahirapan at kawalang trabahong dulot nito. Ngayon na dapat dahil ang mga problema tungkol sa pagkalugi, kapag napabayaan, ay lalong lamalala habang tumatagal at ito’y nadadagdag sa utang ng bansa,” diin niya.

Binigyang diin ni Salceda sa sadyang kailangan ng bansa ang mga reporma sa sistema ng pagbubuwis at pangangasiwa nito.

Comments are closed.