PAUTANG SA ELECTRIC COOPS PUMALO SA HIGIT P1-B

UMABOT sa mahigit isang bilyong piso ang ipinautang ng National Electrification Administration (NEA) sa electric cooperatives noong nakaraang taon.

Tinukoy ang report ng kanilang Accounts Management and Guarantee Department (AMGD), sinabi ng NEA na may kabuuang P1,002,540,867.31 na halaga ng loans ang ipinalabas sa 28 electric cooperatives sa pagtatapos ng 2023. Sa buwan lamang ng Disyembre, ang  AMGD ay nagproseso ng P27 million na halaga ng loans upang pondohan ang working capital ng ECs.

Ayon sa NEA, sa mahigit  P1-billion na ipinalabas na loans, P479.69 million ang ipinautang sa 19 power cooperatives para sa kanilang capital expenditure requirements.

Ang 19 electric cooperatives ay nasa Basilan, Bohol, Bukidnon, Camotes Islands, Davao del Sur, Iloilo, Laguna, Leyte, Misamis Oriental, Negros Occidental, Northern Samar, Quezon Province, Siargao, Siasi, Sorsogon, South Cotabato, Surigao del Sur, Tawi-Tawi, at  Zamboanga del Norte.

Ang loans para sa working capital ay nasa P465 million, na ipinagkaloob sa  11 electric cooperatives sa Antique, Aurora, Batanes, Bohol, Camiguin, Central Pangasinan, Laguna, Lanao del Norte, Misamis Oriental, Negros Oriental, at Zamboanga del Sur.

Tumanggap naman ang Misamis Oriental I Rural Electric Service Cooperative Inc. (MORESCO I) ng P12.85 million na halaga ng loan para sa modular generator set nito habang P50-million short-term credit facility ang ipinagkaloob sa Lanao del Norte Electric Cooperative Inc. (LANECO).

Ayon sa NEA, ang loans ay prinoseso gamit ang pondo na inilaan para sa Enhanced Lending Program nito.