PUMALO sa P618.79 billion ang pautang sa mga magsasaka at mangingisda noong nakaraang taon, ang pinakamataas sa loob ng limang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos ng PSA, ang kabuuang pautang ay mas mataas ng 23.76 percent sa P500 billion na naipalabas noong 2016. Sa nasabing halaga na ipinautang noong 2017, nasa P350.38 billion ang ginamit para sa production purposes.
“Credit growth last year accelerated from the average annual increase of just 6.47 percent from 2012 to 2016,” ayon sa PSA.
Subalit ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (Pcafi), sa P10 trillion kabuuang pautang ng mga bangko, 14 percent lamang ang ipinalabas sa farm sector noong 2017, mas mababa sa itinatakdang 25-percent share sa ilalim ng Agri-Agra Law.
Para sa taong 2017, ang private banking institutions ang pinakamalaking pinagkunan ng pautang para sa agricultural production activities.
Noong nakaraang taon, ang pautang sa mga magsasaka at mangingisda ay tumaas ng 26.09 percent sa P284.95 billion.
Sa mga pribadong bangko, ang mga commercial bank ay patuloy na pinakamalaking providers ng pautang na may share na 48.63 percent, kasunod ang rural banks (12.07 percent), savings at mortgage banks (8.02 percent), private development banks (7.32 percent) at stock savings and loan associations (5.29 percent).
Tumaas din ang credit assistance mula sa government banks ng 29.93 percent sa P65.43 billion noong 2017, karamihan ay mula sa Land Bank of the Philippines, kasunod ang Development Bank of the Philippines.
Comments are closed.