PAUTANG SA FARMERS TATAASAN NG LANDBANK

LANDBANK-5

TARGET ng mga opisyal ng state-owned Land Bank of the Philippines (Landbank) na mapataas ang pautang sa sektor ng agrikultura ng 15 percent taon-taon upang matulungan ang may tatlong milyong magsasaka sa pagtatapos ng administrasyong Duterte sa 2022.

Ayon kay Landbank President and CEO Cecilia Borromeo, asam nilang mapaabot ang agriculture loans sa P265 billion sa 2020, mas mataas sa P231.25 billion target ngayong taon kung saan layon nilang matulungan ang may isang milyong magsasaka.

“It’s a consistent growth so by 2022, the portfolio of the bank to the agriculture sector will reached PHP350 billion and we should be able to assist at least three million farmers by then,” aniya.

Ito ay makaraang atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng  Landbank na dagdagan pa ang pagtulong sa mga magsasaka dahil ito ay kabilang sa mandato ng bangko.

Ani Borromeo, sa kasalukuyan ay mayroon silang 44 lending centers sa buong bansa at layon nilang mapalaki ito sa 50 centers sa 2020.

Inaprubahan na, aniya, ng Board of Directors ng bangko ang pagbubukas ng mga bagong lending center sa Lanao del Norte, Quirino Province at Antique.

Binigyang-diin niya na tumatalima ang bangko sa Agri-Agra law, kung saan  27 percent ng total loans na nagkakahalaga ng P222 billion ang kasalukuyang nakalaan sa sektor ng agrikultura.

“We will, at the very least, maintain that share in the agriculture sector. It can be more depending on the economy,” aniya.

Sa ilalim ng Agri-Agra law, ang mga bangko ay kinakailangang maglaan ng 10 percent ng kanilang pondo para sa  agrarian reform credit (Agra) at 15 percent para sa iba pang agricultural credit (Agri).

Sa first half ng taon, ang bangko ay nagkaloob ng P744.5 billion na halaga ng loans sa priority sector, o 93.1 percent ng total loans.

Ang pautang sa ma­liliit na magsasaka ay umabot naman sa P 42.31 billion, habang nasa P14 billion ang ipinagkaloob sa mali­liit na ­mangingisda at kanilang mga ­asosasyon.                   PNA

Comments are closed.