PAUTANG SA MALILIIT NA NEGOSYO UMABOT PA LAMANG SA P1.22-M

SB Corp Group Head Frank Gonzaga

UMABOT pa lamang sa P1.22 million  ang kabuuang halaga ng pautang na naipalabas ng Small Business Corporation o SB Corp. sa kanilang programa na COVID-19 Assistance to Restart Enterprises (CARES) Program bilang tulong sa mga maliliit na negosyo sa bansa na apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng House Committee on Micro, Small and Medium Enterprises, sinabi ni SB Corp. Group Head Frank Gonzaga na nasa 10,137 ang potential borrowers na nag-inquire sa kanilang programa mula noong Abril pero nasa 12 loan applications lamang ang kanilang naaprubahan na may kumpletong requirements.

Ayon kay Gonzaga, mayroon  pang 287 loan applications ang naaprubahan na habang nasa 4,198 applications naman ang kasa-luku­yan pang pinoproseso.

Sa ilalim ng programa, ­maaaring umutang ang alinmang Filipino-owned MSMEs na may asset na hindi lalagpas sa P15 million at lubhang naapektuhan ng ipinatupad na community quarantine.

Maaaring umutang ang isang MSME ng P10,000 hanggang P500,000 na may 0% interest rate pero may 6% service fee para sa 18 months term at 8% service fee para naman sa 30 months term.

Samantala, pinuna naman ng mga kongresista ang implementasyon ng programa.

Sinita ni Deputy Speaker Deogracias Victor Savellano ang SB Corp. dahil sa mahigit 10,000 nag-apply para sa pautang sa MSMEs na apektado ng community quarantine ay 12 lamang ang naaprubahan.

Bukod dito, napansin din ng kongresista ang 6% na service fee na singil ng SB Corp. sa kanilang pautang gayong ang pondo naman para sa loan program nito ay mula sa General Appropriations Act.

Iginiit naman ni Committee on MSMEs  Chairman at Manila Teachers party-list Rep. Virgilio Lacson na rebyuhin at i-revisit ng SB Corp. ang kanilang programa dahil sa mataas na discrepancy na mula sa 10,000 inquiries ay 12 lamang ang naaprubahan at na-pakabagal din umano ng proseso. CONDE BATAC

Comments are closed.