(Pawang nakaluhod nang barilin) PAGPASLANG SA 4 NA PARAK, SET-UP! – PNP

baril

NEGROS ORIENTAL – POSIBLENG nakaluhod o nakaupo nang barilin sa likurang bahagi ang apat na pulis na pinas­lang ng mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) noong Huwebes sa bayan ng Ayungin sa lalawigang ito.

Ito ang paniniwala ng Philippine National Police (PNP) at sinabing set up o pinagplanuhan ang pagpas­lang sa apat.

Ayon kay Police Brigadier General Debold Sinas, director ng Police Regional Office Region 7, batay rin ito sa trajectory ng balang natagpuan sa labi nina Police Corporal Relebert Beronio, Patrolman Raffy Callo, Patrolman Roel Cabellon at Patrolman Marquino de Leon sa Sitio Yamot, Brgy. Mabato, Ayungon.

Ayon sa heneral, parang ambush ang nangyari ngunit wala namang palitan ng putok dahil binantayan lamang ang apat at dinala sa bahay ni Victo­riano Anadon at dinis-armahan saka pinagbabaril.

Maaalalang si Anadon ang sinasabing contact ng mga pulis sa lugar ngunit napag-alaman na may kapit din ito sa mga rebelde.

Ayon pa kay Sinas, inutusan lamang ng mga rebelde si Anadon na itali ang apat bago nila ito pinaalis sa kanyang bahay.

Summary execution, ayon naman sa PRO-7 director, ang ginawa sa apat dahil base sa trajectory ng bala, posibleng nakaupo o nakaluhod ang mga ito ng binaril sa likod.

Ang pinakahuling impormasyon ay kumokontra naman sa naunang report ni Police Major Leo Log­ronio ng Regional Mobile Battalion Force Region VII, na sakay ang apat ng dalawang motorsiklo nang binantayan at pinagbabaril ng hindi pa matukoy na bilang ng mga rebelde na nagresulta sa kanilang agarang pagkamatay.

Kinokonsidera na rin na person of interest si Anadon habang tinitingnan din kung may pananagutan ang punong barangay ng Brgy. Mabato dahil hindi nito sinabi sa mga pulis na pugad ng mga rebelde ang lugar.

Nakikipagtulungan naman ngayon ang punong barangay sa imbestigasyon ng awtoridad. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM