ISANG dating congresswoman at ngayon ay civic leader sa Quezon City ang maglulunsad ng kilusan para babaan ang suweldo ng mga kongresista sa kalahati ng halagang kanilang kasalukuyang tinatanggap.
Ang halagang matitipid ay magagamit sa halip sa mga proyekto na makabubuti sa sitwasyong pinansiyal ng mga mamamayang Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, sabi ni former 2nd Dist. Rep. Annie Rose Susano.
Siya ay tumatakbo para representative ng Quezon City 2th District. Ang dating 2nd Dist. ay sa tatlong distrito, na ngayon ay kabilang ang 5th Dist. Saklaw ng distrito ang 14 na barangay, kabilang na ang Fairview, Novaliches, Greater Lagro at iba pang areas na karamihan ay residential.
“Tutal, lahat ng kongresista ay mayayamang tao, mga hacendero sa kanilang mga rehiyon. Hindi malaking kabawasan sa kanila ang mahati ang kanilang mga sueldo bilang congressmen,” sabi ni Susano. “Kung ang mga kongresista at mga senador ay susuweldo ng kalahati lamang ng kanilang napakalalaking salaries, madaragdagan ang pondo ng gobyerno para sa mga schoolbuildings, ospital, health centers, pati na mga sapatos ng mga bumbero na pinagtitiyagaan ang halos wasak ng mga sapatos habang sinasawata ang mga sunog.”
Sinabi ni Susano na may iba pang sources of revenues para sa mga proyekto ng mga mambabatas, tulad ng share ng mga distrito sa internal revenue collections at iba’t ibang perks ng mga kongresista at senador.
Bilang kongresista sa dalawang termino noong 1990s, nakilala si Susano sa kanyang mga nagawang pagsulong sa edukasyon sa Quezon City. Maraming public schools sa Quezon City ang naitatag sa kanyang pagsisikap.
Kabilang dito ang ilang paaralan na itinayo sa dalawang ektaryang lupa na pag-aari at ibinigay ng kanilang pamilya. Si Susano ay namumuno sa ilang real estate at property development companies na pagaari ng kanyang pamilya.
Samantalang siya ay nasisiyahan sa buhay niya bilang negosyante, nagpasya siya na magbalik sa government service dahil “napakarami pa nating kailangang gawin para sa ikabubuti ng bayan. Mas marami tayong magagawa sa ikabubuti ng bayan kung tayo ay tutulong sa gobyerno.”