EPEKTIBO sa Enero 1 ng papasok na taon, matatanggap na ng mga kawani ng gobyerno ang dagdag-sahod matapos na aprubahan ng Kongreso ang pagsasabatas sa Salary Standardization Law 5 (SSL-5) ngayong linggo, ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance.
Sa botong 21-0-1, lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 1219 kasunod ng pag-apruba ng Mababang Kapulungan sa sariling bersyon nito ng SSL-5. Tanging si Senador Franklin Drilon sa bahagi ng Senado ang nag-abstain.
Sinabi ni Angara na hahatiin sa apat na bigayan ang salary increase na magsisimula ngayong Enero. Ang mga susunod na tranche ay ipatutupad sa 2021, 2022 at 2023.
Aniya, kabuuang P130.45-B ang kinakailangang pondo para sa pagpapatupad ng four tranches ng salary increase, kung saan P33.16-B ang kakailanganin para sa first tranch sa 2020. Ang unang pondo, ayon sa senador, ay nakapaloob na sa inaprubahang P4.1 trilyong national budget para sa susunod na taon.
“Alam naman natin na patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga pang-araw-araw na gastusin natin tulad ng pagkain, pamasahe, lalo na ang mga bayarin ng ating mga anak sa pag-aaral. Kaya napakalaking tulong para sa mga manggagawa natin sa gobyerno na kahit paano ay mataasan din ang kanilang suweldo. Isa pa, tiyak na mas magiging inspirado sila sa pagtatrabaho dahil dito,” saad ni Angara.
Nakasaad sa SSL-5 na mula sa pinakamababang salary grade na P11,068 kada buwan na sinasahod ng isang empleyado ng gobyerno, tataas ito sa P11,551 sa 2020, aakyat sa P12,034 sa 2021; P12,517 sa 2022 at P13,000 sa 2023.
Para naman sa Salary Grade 11 employees o ang entry-level salary ng teachers na buwanang sumasahod ng P20,754, tataas ito sa P22,316 sa 2020. Sa taong 2021 ay magiging P23,877 ito, aakyat sa P25,439 sa 2022 at P27,000 sa 2023.
Binigyang-diin ni Angara na ang tatanggap ng pinakamalaking porsiyento ng salary increase ay ang mga empleyadong nasa Salary Grades 10 hanggang 16.
Halimbawa, aniya, ang mga Teacher 1 hanggang Teacher 3 ay tatanggap ng 24 percent hanggang 30 percent increase simula sa unang tranche hanggang sa ikaapat na tranche ng SSL-5.
Ang may pinakamababang percentage naman ay ang mga middle manager, executive at top official sa bansa na nasa ilalim ng Salary Grade 25-33 na may 8 percent increase lamang.
Ito, ayon kay Angara, ay dahil sakop na ng malaking increase sa nakaraang SSL-4 ang mga executive, kaya inilaan naman ang SSL-5 sa mas mababang government employees.
Matatanggap naman ng pangulo, pangalawang pangulo at ng incumbent members ng Kongreso ang anumang salary increase sa kanilang sahod pagkatapos ng kanilang termino. Ito ang isinasaad ng Konstitusyon hinggil sa salary increases ng nabanggit na mga opisyal.
Nangangahulugan, ani Angara, na epektibo lamang sa mga mahahalal na kongresista at senador sa 2022 ang bagong SSL-5.
Ang mga tinatawag namang sub-professionals o ang mga empleyadong nasa Salary Grades 1-10 ay may 17.5% hanggang 20.5% salary increase na ipatutupad sa loob ng apat na taon. VICKY CERVALES