MAYNILA – NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na ipatupad ang tamang panuntunan sa pagpapasuweldo sa kanilang mga manggagawa para sa mga idineklarang holiday sa Disyembre 2018.
Naglabas si Labor Secretary Silvestre H. Bello III ng Labor Advisory No. 19, series of 2018 upang gabayan ang mga employer kaugnay sa tamang pagpapasahod para sa Disyembre 8, 24, at 31, 2018 (special non-working holidays) at Disyembre 25 at 30, 2018 (regular holidays).
Dapat ipatupad ang mga sumusunod na pay rules para sa special non-working holiday:
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na ‘no work, no pay’ ang dapat gamitin maliban lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagtatakda ng kabayaran para sa special holidays.
Ang patakaran para sa mga nasabing holidays para sa ginampanang trabaho, dapat bayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras (Arawang Sahod x 130%) + COLA].
Habang ang trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras (overtime), ang empleyado ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita (Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho). Para sa trabahong ginampanan para sa mga nasabing araw na siya ring araw ng pahinga ng empleyado, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras (Arawang sahod x 150%) + COLA.
Samantalang para sa trabaho na mahigit sa walong oras (overtime) na siya ring araw ng pahinga ng empleyado, siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita (Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho).
Hinikayat din ang mga employer na sumunod sa panuntunan sa pasuweldo para sa regular holiday – Disyembre 25 at 30, 2018.
Kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho, babayaran pa rin siya ng 100 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw, gayundin ng kanyang Cost of Living Allowance (Arawang suweldo + COLA) x 100%.
Kapag pumasok naman ang empleyado sa trabaho, babayaran siya ng 200 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw para sa unang walong oras ng trabaho, gayundin ng kanyang COLA (Arawang suweldo + COLA) x 200%.
Kapag ang empleyado ay nagtrabaho nang lagpas sa walong oras, babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate (Hourly rate ng arawang suweldo x 200% x 130% x bilang ng oras na tinrabaho).
Kapag ang empleyado ay nagtrabaho at nataon na ang mga araw na ito ay kanyang day-off o rest day, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod na 200 porsiyento [(Arawang suweldo + COLA) x 200%] + [30% (Arawang suweldo x 200%)].
Sakali namang mataon na day-off ng empleyado at nagtrabaho siya ng overtime, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw (Hourly rate ng arawang suweldo x 200% x 130% x 130% bilang ng oras na tinrabaho). PAUL ROLDAN
Comments are closed.