NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na ipatupad ang tamang panuntunan sa pagpapasuweldo sa kanilang mga manggagawa na magtatrabaho sa Mayo 13, 2019.
Batay sa Labor Advisory No. 07, series of 2019, sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na ang mga empleyadong mag-tatrabaho sa Mayo 13 ay karapat-dapat na makatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang arawang suweldo.
Sa ilalim ng Proclamation No. 719 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte ang araw ng Lunes ay isang special non-working holiday upang bigyang daan ng publiko na magampanan ang karapatan nilang bumoto sa gaganaping midterm local at national election.
Bilang patnubay sa mga employer at mga manggagawa, itinatakda ng kagawaran ng paggawa ang mga sumusunod na panuntunan sa pagpapasuweldo:
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na ‘no work, no pay’ ang dapat gamitin maliban lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagtatakda ng kabayaran para sa special holidays.
Ang patakaran para sa mga nasabing holidays para sa ginampanang trabaho, dapat bayaran ang empleado ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras o [(Arawang Sahod x 130%) + COLA].
Habang ang trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)].
Para sa trabahong ginampanan para sa mga nasabing araw na siya ring araw ng pahinga ng empleyado, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras, o [(Arawang sahod x 150%) + COLA].
Samantalang para sa trabaho na mahigit sa walong oras (overtime) na siya ring araw ng pahinga ng empleyado, siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita, o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)]. PAUL ROLDAN
Comments are closed.