‘PAYDAY FRIDAY’ SANHI NG MATINDING TRAPIK

Trapik

INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na “payday Friday” ang na­ging sanhi ng pagkabuhol-buhol ng trapiko sa EDSA noong Biyernes na sinabayan pa ng pagsisimula ng Christmas rush o ang pagdagsa ng mga mamimili sa mall para mamili ng mga regalo at ihahanda para sa Pasko.

Ayon kay EDSA Traffic Management Chief Bong Nebrija, naitala ang trapiko  sa parehong northbound at southbound lane ng EDSA na nag-tagal kahit pa walang rush hour.

Dagdag pa ni Nebrija na ang matinding trapiko sa EDSA ay sinabayan pa ito ng mga aksidente na nangyari sa kalagitnaan ng kalsada.

Ipinahayag pa rin ni Nebrija na napagkasunduan na rin ng 15 sa 17 malls na hindi sila magkakaroon ng weekday sale.

Ang dalawang mall, ayon kay Nebrija ay hindi makasusunod dahil inanunsiyo na ang gaganapin nilang sale.

Hinihingi na rin ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan ang schedule ng kanilang mga Christmas bazaar para mapag-aralan kung paano pangangasiwaan ang trapiko dahil inaasahan na nila na magdudulot pa ito ng matinding trapiko habang papalapit ang Pasko.

Ayon kay Nebrija na lalala pa ang trapiko sa mga susunod na linggo lalo’t magsusulputan na ang mga Christmas bazaar.

“It will get worse. Wala eh, talagang ganyan naman na ang traffic kapag Kapaskuhan,” ani Nebrija.

Dahil dito, hinihingi na ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan ang schedule para mapag-aralan ang pangangasiwa ng trapiko. MARIVIC FERNANDEZ