NAKAKUHA ng hustisya ang isang payment kiosks firm matapos manalo sa isinampa nitong infringement at unfair competition case laban sa isa pang kompanya sa Regional Trial Court ng Parañaque City.
Ito’y makaraang maglabas ng desisyon si Judge Noemi Balitaan ng Parañaque RTC Branch 258 kung saan inatasan nito ang Electronic Transfer and Advance Processing Inc. (E-TAP) at maging si Perservando Hernandez na bayaran ang Manila Express Payments System (MEPS) ng nasa P3 milyon bilang exemplary damages at hiwalay na P200,000 bilang attorney’s fees.
Pinababayaran din ng korte sa E-TAP ang nagastos ng MEPS sa pagsasampa ng kaso laban dito.
Batay sa 34-page decision na may petsang Setyembre 26,2023 pero ngayon lamang inilabas sa media, sinabi ni Balitaan na napatunayan ng MEPS na pineke o kinopya umano ng E-TAP ang kanilang sistema.
Kabilang sa negosyo ng MEPS ang franchising, distribution, trading, at pagbebenta ng registered at patented information technology (IT) products gaya ng Touch Pay na gumagamit ng lisensiyadong modelo.
Isiniwalat sa reklamo ng MEPS na ang business process ng E-TAP sa pamamagitan ng automated payment machine na Pay & Go ay lumabag sa kanilang registration. Kabilang sa mga sinasabing gumagamit ng sistema ng E-TAP ay ang Pay & Go, Xytrix/ZoomPay na pag-aari ng Xytrix Systems Corporation, at Electronic Commerce Payments, Inc. (ECPay).
Matatandaang nakasabat ang National Bureau of Investigation (NBI) – Intellectual Property Rights Division ng ilang automated payment machines na may label ng mga nasabing kompanya at pinagagana sa pamamagitan ng E-TAP.
Sa kanyang ruling, sinabi ni Judge Balitaan na base sa testimonya ng mga testigo at mga ebidensya, malinaw na ang makina ng E-TAP ay katulad lang din ng pag-aari ng MEPS at nagkakaiba lamang sa mga markings.
EVELYN GARCIA