MAS MARAMING naging bilyonaryo sa Amerika noong pumasok ang Internet at lumago ang mga negosyong teknolohiya. Marami rin naman ang nalugi noong dulo ng 1990s at simula ng 2000 dahil ‘di naman nila kabisado ang negosyong ito.
Ngunit mas marami ang naging bihasa na mga imbestor mula sa pagpasok ng 2005 na malamang ay bunga ng mga natutunan nila noong nakaraang dekada.
Narito ang ilang aral at payo mula sa mga tinatawag na ‘self-made billionaires’ o mga entrepreneur na naging bilyonaryo dahil nagsikap sa kanilang sarilig pagpupunyagi.
#1 Isang sugal ang pagnenegosyo
Para kay David Moskovitz, isa sa mga co-founder ng Facebook, kailangan mong isipin na ang pagnenegosyo ay maihahantulad sa isang sugal na walang 100% na kasiguraduhan ang pagiging matagumpay.
Lalo na raw sa pagtatayo ng isang startup o bagong negosyo, kung saan ang tsansang maging bilyon-pisong negosyo ito ay maliiit lamang. Kailangan ng ibayong pagtitiyaga at hindi raw glamoroso ang gawaing nakapaloob dito. Ayon kay Moskovitz, mas mainam pa nga ang sumama sa isang malaking kompanya kung pera lang ang habol dahil na rin sa suweldo.
Ngunit sabi niya, ang tingin niya kasi sa pera ay ‘di para ito kamkamin kundi para ito ibalik sa sistema at maraming tao ang makinabang. Si Mos-kovitz ang founder ng Asana, isang kompanya na tumutulong mamahala ng mga proyekto at ng Good Ventures na isa namang foundation.
#2 Huwag agad umalis sa trabaho habang nagsisimula sa negosyo
Si Sara Blakely ang bilyonaryong founder ng Spanx, isang kasuotang pambabae. Ayon sa kanya, mas mainam na isaayos muna nang maigi ang itinatayong negosyo hanggang sa maging tuloy-tuloy na ang kita nito na kaya ka nang buhayin.
Sabi ni Blakely, ‘di naman naging madali ang pag-uumpisa niya sa negosyo kaya kinailangan niyang magpatuloy pa rin sa kanyang trabaho hanggang sa maging okay na siya sa aspetong pinansiyal.
Ako nga mismo ay ganoon din ang nangyari. Hanggang ‘di kinaya ng aking negosyo ang pang araw-araw naming gastusin, nagpatuloy pa rin akong pumasok sa trabaho. Noong kinaya na ng negosyo na tustusan ang aming regular na pangangailangan, tsaka na lang ako nag-resign sa pinagtatrabahuhan ko.
#3 Maging mabilis sa galawan sa negosyo
Si John Doerr ay isang bilyonaryong kapitalista na naging imbestor sa mga kompanyang Facebook, Yahoo, Zynga, Amazon, Google at iba pang matagumpay na mga kompaya sa larangan ng Internet at teknolohiya. Ayon sa kanya, ang pagiging mabilis sa pagnenegosyo ay nangangahulugang mabilis kang kumilos (tipong, ngayon na!) dahil ang ginagalawan mong industriya ay marami ring kakumpitensiya. Para sa kanya, kung sino ang mas mabilis kumilos ay siya rin ang magtatagumpay.
Ilang ideya na ba ng negosyo ang iyong napag-isipan at ‘di nasimulan o napalampas – at may ibang gumawa at nagtagumpay? Naku, ako, marami-rami na! At siyempre, lubos akong nanghihinayang dahil sana, ako ang yumaman, hehe!
Tandaan na sa larangan ng teknolohiya ay napakabilis ng pagpalit nito. Ang kompanyang Intel ay kilala noon sa paggawa ng mas mabilis na processor para sa PC kada anim na buwan. Kaya marahil, ang maraming kalaban nila ay nagpaplano pa lamang, samantalang sila, nailabas na.
#4 Tumutok sa mga industriyang malaki ang balik sa iyo bilang negosyante
Ang bilyonaryong si Vinod Khosla ay siya ring co-founder ng isa sa pinakamalaking kompanya noong dekada 1990 hanggang 2010 kung saan nabili ito ng Oracle sa halagang $7.4 bilyon. Ayon kay Khosla, dahil na rin maraming beses kang puwedeng matalo o malugi, dapat, ang industriyang pipiliin mong pasukan ay malaki ang maibabalik sa iyong hirap at puhunan.
Sa isang pitak ko, nabanggit kong ako’y nagsimulang magnegosyo ng Chocnut noong elementarya pa lang ako. Dahil mahirap magbenta dahil na rin sa kumpetisyon sa aming paaralan (gaya ng canteen at mga vendor sa labas ng eskuwelahan), nagsipag ako at nagkaroon ng halos 60% na margin ng kita. Ang lahat ng kinita ko noon sa pagbebenta ng Chocnut ay naging puhunan ko sa pagpaparenta naman ng komiks.
#5 Magkaroon ng sapat na perang matitipid para sa mga emergency
Si John DeJoria ay mas kilala sa produkto niyang alak na Patron ang brand. Ngunit kakaunti lamang ang nakaaalam na ang una niyang naging negosyo ay may kinalaman sa pagsasaayos ng buhok. Sabi ni DeJoria, dito niya noon naranasan ang hirap sa cash flow. Madalas daw na nahuhuli sila sa pagbabayad ng mga bayarin.
Para kay DeJoria, dapat ay may anim na buwang kutsyon ka na cash para ‘di ka mamroblema sa mga bayarin hanggang sa maging maayos na ang cash flow mo.
#6 Mamuhay nang simple at mag-invest sa sarili
Kung mayroon akong super idol sa pagnenegosyo, ‘yan ang super bilyonaryong si Warren Buffet, na may-ari ng Berkshire Hathaway, isang kompanyang namamahala ng bilyon-bilyong investment ng mga tao at kapwa-kompanya.
Para kay Buffet, ang pamumuhay nang simple ay isang malaking katangian dahil ito ay nagpapakita ng kababaang loob. Hanggang sa kasalukuyan, nakatira si Buffet sa bahay na kanyang nabili sa halagang $37,500 noon pang 1957. Siya pa rin ang nagmamaneho ng kanyang sasakyan hanggang kaya pa raw niya. Madalas daw siyang bumili ng murang agahan mula sa McDonald’s.
Noong kabataan niya, mahiyain si Buffet. Kaya minsan, nag-enrol siya sa kursong Public Speaking mula sa kilalang institusyon na Dale Carnegie. Matapos nito, nagkaroon daw siya ng lakas ng loob upang makapag-propose sa kanyang magiging asawa. At mula noon, ‘di na nahihiya pa si Buffet at tuluyan nang lumaki ang negosyo.
Sabi ni Buffet, ang lahat ng iyong matututunan – o edukasyon – ay ‘di na makukuha pa ninuman mula sa iyo. Ni hindi daw ito kayang patawan ng buwis! May katuwiran, ‘di ba?
Kaya sa ganang akin, itong payo ni Buffet ang pinakamahalaga para sa akin. Lahat ng ibang payo na nakasulat dito ay kasunod na rin nito.
Tandaan na sa lahat ng bagay, maging mapagkumababa at huwag unahin ang paghangad na yumaman. Mas hangarin ang kaligayahan ng Diyos at kalinisan ng intensiyon sa kapwa.
Sa lahat ng gawain, ipagdasal ang mga ito.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag-email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa [email protected].
Comments are closed.