PAYO NG 7 BILYONARYONG ENTREPRENEUR NA DAPAT TANDAAN

homer nievera

MAS  maraming naging biyonaryo sa Amerika noong pumasok ang Internet at lumago ang mga negosyong teknolohiya.  Marami rin naman ang nalugi noong dulo ng 1990s at simula ng 2000s dahil ‘di naman nila kabisado ang negosyong ito. Ngunit mas maraming naging bihasa na mga imbestor mula sa pagpasok ng 2005 na malamang ay bunga ng mga natutunan nila noong nakaraang dekada.Narito ang ilang aral at payo mula sa mga tinatawag na “self-made billionaires”o mga entrepreneur na naging bilyonaryo dahil sa kanilang sarilig pagpupunyagi.

#1 Isang sugal ang pagnenegosyo

Para kay Dustin Moskovitz, isa sa mga co-founder ng Facebook, kailangan mong isipin na ang pagnenegosyo ay maihahantulad sa isang sugal na walang 100% na kasiguraduhang pagigingmatagumpay.

Lalo na raw sa pagtatayo ng isang startup – o bagong negosyo, kung saan ang tsansang maging bilyon-pisong negosyo ito ay maliiit lamang. Kailangan ng ibayong pagtitiyaga at hindi raw glamoroso ang gawaing nakapaloob dito. Ayon kay Moskovitz, mas mainam pa nga ang sumama sa isang malaking kompanya kung pera lang ang habol dahil na rin sa suweldo.

Ngunit sabi niya, ang tingin niya kasi sa pera ay ‘di para ito kamkamin kundi para ito ibalik sa sistema at maraming tao ang makinabang. Si Moskovitz ang founder ng Asana, isang kompanya na tumutulong mamahala ng mga proyekto at ng Good Ventures na isa namang foundation.

#2 Huwag agad umalis sa trabaho habang nagsisimula sa Negosyo

Si Sara Blakely ang bilyonaryong founder ng Spanx, isang kasuotang pambabae. Ayon sa kanya, mas mainam na isaayos munang  maigi ang itinatayong negosyo hanggang sa maging tuloy-tuloy na ang kita nito na kaya ka nang buhayin.

Sabi ni Blakely, ‘di naman naging madali ang pag-uumpisa niya sa negosyo kaya kinailangan niyang magptuloy pa rin sa kanyang trabaho hanggang sa maging okay na siya sa aspetongpinansiyal.

Ako nga mismo ay ganoon din ang nangyari. Hanggang ‘di kinaya ng akingnegosyo ang pang-araw-araw naming gastusin, nagpatuloy pa rin akong pumasok sa trabaho. Noong kinaya ng negosyong tustusan ang aming regular na pangangailangan, tsaka na lang ako nag-resign sa pinagtatrabahuhan ko.

#3 Maging mabilis sa galawan sa negosyo

Si John Doerr ay isang bilyonaryong kapitalista na naging imbestor sa mga kompanyang Facebook, Yahoo, Zynga, Amazon, Google at iba pang matagumpay na mga kumpanya salarangan ng Internet at teknolohiya. Ayon sa kanya, ang pagiging mabilis sa pagnenegosyo ay nangangahulugang mabilis kang kumilos (tipong ngayon na!) dahil ang ginagalawanmong industriya ay marami ring kakumpitensiya. Para sa kanya, kung sino ang mas mabilis kumilos ay siya rin ang magtatagumpay.

Ilang ideya na ba ng negosyo ang iyong napag-isipan at ‘di nasimulan o napalampas – at may ibang gumawa at nagtagumpay? Naku, ako, marami-rami na! At siyempre, lubos akong nanghihinayang dahil sana, ako ang yumaman, hehe!

Tandaan na sa larangan ng teknolohiya ay napakabilis ng pagpalit nito. Ang kompanyang Intel ay kilala noon sa paggawa ng mas mabilis na processor para sa PC kada anim na buwan. Kaya marahil ang maraming kalaban nila ay nagpaplano pa lamang, samantalang sila, nailabas na.

#4 Tumutok sa pag-unlad

Ang tagapagtatag ng Microsoft na si Bill Gates ay bumuo ng isang reputasyon sa pagiging hindi lamang pinakamayamang tao sa mundo, ngunit isa rin sa pinakamatalino at pinakaseryosong mga  palaisip na nabubuhay ngayon.

Kaya hindi na dapat sorpresa na nakarating si Gates sa kinaroroonan niya sa pamamagitan ng higit na pagtutuon sa pag-unlad at pagbabago at mas kaunti sa panig ng negosyo ng mga bagay.

Noong 2014, sinabi ni Gates sa Rolling Stone, “Alam mo, ang pag-unlad kung minsan ay tinitingnan bilang isang proyekto kung saan binibigyan mo ang mga tao ng mga bagay at walang gaanong nangyayari, na ganap na wasto, ngunit kung tumutok ka lang doon, kailangan mo ring sabihin na ang venture capital ay medyo hangal din. Nakakaawa ang hit rate nito. Ngunit paminsan-minsan, nakakakuha ka ng mga tagumpay, pinopondohan mo ang isang Google o isang bagay.”

Kaya para kay Gates, anumang hadlang ang mayroon sapagnenegosyo, ituon lang ang pansin sa pag-unlad at iwaksi ang mga balakid.

#5 Tumutok sa mga industriyang malaki ang balik sa iyo bilang negosyante

Ang bilyonaryong si Vinod Khosla ay siya ring co-founder ng isa sa pinakamalaking kompanya noongdekada 90 hanggang 2010 kung saan nabili nito ang Oracle sa halagang $7.4 bilyon. Ayon kay Khosla, dahil na rin maraming beses kangpuwedeng matalo o malugi, dapat, ang industriyang pipillin mong pasukan aymalaki ang maibabalik sa iyong hirap at puhunan.

Sa isang pitak ko, nabanggit kong ako’y nagsimulang magnegosyo ng Chocnut noong elemetarya pa lang ako. Dahil mahirap magbenta dahil na rin sa kumpetisyon sa aming paaralan (gaya ng canteen at mga vendor sa labas ng eskuwelahan), nagsipag ako at nagkaroon ng halos 60% na margin ng kita. Ang lahat ng kinita ko noon sa pagbebenta ng Chocnut ay naging puhunan ko sa pagpaparenta naman ng komiks.

#6 Magkaroon ng sapat na perang matitipid para sa mga emergency

Si John DeJoria ay mas kilala sa produkto niyang alak na Patron ang brand. Ngunit kakaunti lamang ang nakaaalam na ang una niyang naging negosyo ay may kinalaman sa pagsasaayos ng buhok. Sabi ni DeJoria, dito niya noon naranasan ang hirap sa cash flow. Madalas daw na nahuhuli sila sa pagbabayad ng mga bayarin.

Para kay DeJoria, dapat ay may anim na buwang kutsyon ka na cash para ‘di ka mamroblema sa mga bayarin hanggang sa maging maayos na ang cash flow mo.

 #7 Mamuhay nang simple at mag-invest sa sarili

Kung mayroon akong super idol sa pagnenegosyo, iyan ay ang super bilyonaryong si Warren Buffet, na may-ari ng Berkshire Hathaway, isang kompanyang namamahala ng bilyon-bilyong investment ng mga tao at kapwa kompanya.

Para kay Buffet, ang pamumuhay nang simple ay isang malaking katangian dahil ito ay nagpapakita ng kababaang loob. Hanggang sa kasalukuyan, nakatira si Buffet sa bahay na kanyang nabili sa halagang $37,500 noon pang 1957. Siya pa rin ang nagmamaneho ng kanyang sasakyan hanggang kaya pa raw niya. Madalas daw siyang bumili ng murang agahan mula sa McDonald’s.

Noong kabataan niya, mahiyain si Buffet. Kaya minsan, nag-enrol siya sa kursong Public Speaking mula sa kilalang institusyon na Dale Carnegie. Matapos nito, nagkaroon daw siya ng lakas ng loob upang makapag-propose sa kanyang magiging asawa. At mula noon, ‘di na nahihiya pa si Buffet at tuluyan nang lumaki ang negosyo.

Sabi ni Buffet, ang lahat ng iyong matututunan – o edukasyon – ay ‘di na makukuha pa ninuman mula sa iyo. Ni hindi daw ito kayang patawan ng buwis! May katuwiran, ‘di ba?

Kaya sa ganang akin, itong payo ni Buffet ang pinakamahalaga para sa akin. Lahat ng  ibang payo na nakasulat dito ay kasunod na rin nito.

Tandaan na sa lahat ng bagay, maging mapagkumbaba at huwag unahin ang paghangad na yumaman. Mas hangarin ang kaligayahan ng Diyos at kalinisan ng intensiyon sa kapwa. Sa lahat ng gawain, ipagdasal ang mga ito.



Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag-email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa [email protected].