DAHIL sa banta ng Omicron variant ng COVID-19, pinayuhan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga empleyado ng gobyerno na gawing virtual ang Christmas parties ngayong Kapaskuhan.
Sinabi ni CSC chairperson Alicia dela Rosa-Bala, hindi dapat balewalain ang banta ng Omicron variant na dahilan ng pagsasara ng border ng ilang bansa at pagpapatupad ng panibagong lockdown.
Bagaman pinapayagan ang face to face o physical gatherings sa ilang sitwasyon batay sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) at local government units, sinabi ni Dela Rosa-Bala, na mas ligtas kung gagawing virtual ang pagdiriwang.
Ayon kay Dela Rosa, ang virtual celebrations, ay mas ligtas.
Sinabi pa nito na magkakaroon ng epekto sa paghahatid ng serbisyo sa publiko kapag nagkaroon ng hawahan sa mga kawani ng gobyerno.
Nagbabala ang opisyal na hindi dapat maapektuhan ang serbisyo sa publiko sa panahong ito ng kapaskuhan.
Una nang inihayag ng Department of the Interior and Local Government na pinapayagan ang in-person Christmas parties sa mga lugar na nasa COVID-19 Alert Level 2, ngunit kailangang sundin ang health protocols at 50% ang capacity limit sa lugar na pagdarausan ng pagdiriwang.
Maging ang Department of Health (DOH) ay nagpayo na gawing virtual ang mga selebrasyon ngayong Pasko dahil may pandemya pa kahit pa bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nasa 402 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala araw ng Linggo, kaya 2,836,592 na ang kabuuang bilang ng nakahahawang sakit.
Iniulat din ng DOH ang 509 bagong gumaling.
Nasa 184 ang iniulat na nasawi sa COVID-19 kaya nasa 50,280 na ang death toll ng COVID-19 sa Pilipinas.